BALITANG SENIOR
Takas sa Iwahig prison, senior citizen na nang masakote at maibalik sa kalaboso

Photo from www.spot.ph
7/23/25, 6:50 AM
Balik bilangguan matapos ang 26 taong pamumuhay sa laya ang isang 63-anyos na takas mula sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF).
Umabot na sa pagka-senior ang hindi kinalalang preso ng Iwahig nang muling madakip ito sa Cebu ng mga awtoridad.
Ngayon ay 63 anyos na, ang person deprived of liberty (PDL) ay 37 taon gulang pa lamang nang makatiyempo siyang makatakas mula sa Iwahig sa Palawan.
` Napatunayan siyang nagkasala sa mga krimen na frustrated murder at illegal possession of firearms and ammunition.
Hindi nagbigay ng pagkakakilanlan ng PDL ang Bureau of Corrections.
Ngunit sa isang pahayag, sinabi ng Bucor na natumbok ng mga pulisya ang kinaroroonan ng PDL noong Hulyo 11.
Pinangunahan ng IPPF recovery team at mga miyembro ng Philippine National Police ang paghuli sa PDL sa Purok Tambis, Barangay Vito sa munisipyo ng Minglanilla.
Hindi na nanlaban at sumama agad sa arresting team ang preso nang siya ay masakote sa kanyang pinagtataguan bahay.
