BALITANG SENIOR
Senior citizens pinugutan ng sariling anak sa Tagum City

Photo from tonite.abante.com.ph
1/22/25, 9:29 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
DAVAO CITY - Kalunos-lunos ang sinapit ng isang senior citizen sa Tagum City, Davao del Norte nang pugutan ito ng ulo ng sariling anak na may umano’y may problema sa pag-iisip.
Hindi pa rin natatagpuan ang ulo ni Loloy Barlis, 60 simula ng matagpuan ang kanyang katawan sa loob ng tahanan sa Barangay Madaum noong Linggo (Enero 19).
Ayon sa mga pulis nadatnan nila ang walang ulong bangkay ni Barlis habang naroon lamang sa tahanan ang kanyang anak.
Tadtad umano ng saksak ang katawan ng senior citizen.
Inamin umano ng suspek na inilagay niya sa isang kawali ang mga lamang loob ng kanyang ama at itinapon sa may mga puno.
Subalit hindi nito sinabi kung saan niya inilagay ang ulo.
Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ng Police Lt. Col. Wildemar Tiu, hepe ng Tagum City Police Station, na narinig ng mga kapitbahay ng mag-ama ang komosyon sa kanilang bahay bago pa mangyari ang krimen.
Sinabi ni Teresa Laurente na kapitbahay ng biktima, hinabol sila ng itak ng suspek matapos na patayin nito ang kanyang sariling ama.
Lubhang ikinalungkot ng mga kapitbahay ang sinapit ni Barlis na isang mabait na tao.
