BALITANG SENIOR
Senior citizen patay nang mahigop ang suot na metal ng MRI machine

Photo from tnt.abante.com.ph
7/20/25, 6:53 PM
LONG ISLAND, New York - Nasawi ang isang lalaking senior citizen sa isang freak medical accident nang biglang hilahin ng isang MRI machine ang malaking “metallic chain” na suot ng biktima sa kanyang leeg.
Ayon sa pahayag ng Nassau County Police, ang suot na malaking metal ng 61 anyos na biktima ay hinigop sa MRI o magnetic resonance imaging machine na naging sanhi ng isang tinawag nilang “medical episode.”
Dahil sa aksidente, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang halaga ng pagtatanggal ng kahit anong metallic objects sa sinuman papasok sa MRI machine dahil maaari itong hilahin ng malalakas na magnet na ginagamit sa MRI at maging sanhi ito ng sugat o kamatayan.
Bagamat hindi pinangalanan ng pulisya ang biktima, napagalaman sa ibang balitaan na ang nasawi ay si Keith McAllister ng New York.
Nangyari ang insidente noong isang linggo sa loob ng Nassau Open MRI sa Westbury.
Namatay ang biktima na tila nalumpo noong Huwebes (Hulyo 17) isang araw matapos mangyari ang freak accident.
Hindi naman sinabi sa mga report kung bakit lumapit ang biktima sa MRI habang ito ay kasalukuyang umaandar.
Ayon sa mga imbestigador, hindi awtorisado ang pagpasok ng senior citizen.
Ngunit sa panayam sa media, sinabi ni Adrienne JHones-McAllister, asawa ng biktima, na sinamahan siya ng kabiyak na ipa-MRI ang kanyang mga tuhod.
Si Adrienne ang nakasalang sa loob ng MRI nang maganap ang paghigop sa kanyang asawa ng nasabing makina.
Ang MR ay isang makina na sumsusuri at umaalam ang sakit ng isang tao.
Sa pamamagitan ng malalakas na magnet nakukuhang mai-rekord ng mga doktor at medical technologist ang mga imahe sa loob ng anatomya ng isang tao.
