BALITANG SENIOR
Senior citizen maaaring maharap sa kasong animal cruelty sa Pangasinan

1/7/25, 8:43 AM
NI Tracy Cabrera
BARANGAY GOMEZ, Malasigui — Maaaring maharap sa paglabag ng Republic Act 8485, o ang Animal welfare Act of 1998, ang isang 71-anyos na senior citizen dahil sa pagkaladkad ng isang pusang nakatali sa likuran ng kanyang tricycle sa bayan ng Malasigui sa Pangasinan.
Kinondena ng mga animal rights group ang matandang tricycle driver na nangatuwirang hindi raw niya alam na may pusang nakatali sa kanyang tricycle nang kanyang pinaandar ito.
"Hindi ko po alam kung paano na punta dun (sa likuran na aking tricycle) iyong pusa. Ang alam ko po, galing sa aming lugar ito at dahil nakakagat na ito, nais iligaw para hindi na makapinsala pa," wika ng senior citizen na hindi na kinilala.
Rumesponde ang mga tanod ng Barangay Gomez at agad na natunton ang kaawa-awang pusa na kanilang nilapatan ng gamot sa tinamong mga sugat.
"Nagkaroon ng mga galos sa katawan at mga paa iyong pusa pero nasa maayos na itong kalagayan matapos mabigyan ng paunang lunas," ani kagawad Brian Dave Austria.
.
Ayon kay Animal Kingdom Foundation program director Heidi Caguioa, hindi dapat pinagmamalupitan ang alin mang hayop dahil may batas laban dito.
Hinimok naman ni Philippine Animal Welfare Society (PAWS) executive director Anna Cabrera ang nag-upload ng video ng kinakaladkad na pusa na pumunta sa Isang volunteer lawyer upang idulog ang insidente at mabigyan ng kaukulang aksyon upang maiwasang maulit ang ganitong pangyayari.
