BALITANG SENIOR
Selebrasyon ng ika-30 Elderly Filipino Week ikinakasa na

Photo from negros-occ.gov.ph
9/20/24, 7:23 AM
Naghahanda na ang pambansa at mga lokal na pamahalaan para sa ika-30 pagdiriwang ng Elderly Filipino Week sa na Oktubre 1-7 bilang pagpapahalaga sa higit na 12 milyon senior citizens sa bansa.
Pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang pagdiriwang bagamat hindi pa nagpapahayag ang dalawang ahensya ng kumpletong detalye ng paghahanda.
Ayon kay Commissioner Mary Jean Loreche, officer-in-charge ng NCSC, nakipagkasundo na ang komisyon sa Philippine Information Agency upang tulungan ang NCSC i-promote ang selebrasyon.
Isang doktor na nakilala dahil sa kanyang naging papel sa pagsugpo ng COVID-19 noong kasagsagan ng pandemic, si Loreche ay nagtutulak ngayon ng higit na malakas na programang gobyerno para sa home care support ng mga nakatatanda.
Ang mga Office of Senior Citizens Affairs ng bawat lokal na pamahalaan ay magpapatupad ng kanya-kanyang programa upang ipakita ang kahalagahan ng nai-ambag ng mga nakatatandang Pilipino para sa pag-unlad ng bansa.
Sinimulan ang selebrasyon ng EFW noong Setyembre 26, 1994 nang pirmahan ng noong-Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation 470 na nagtatakda ng unang linggo ng Oktubre ng bawat taon para sa pagbibigay pugay sa mga nakatatandang Pilipino.
Tumatanda ang populasyon ng Pilipinas dahil na rin sa pag-unlad ng siyensya at medisina na pumipigil sa mga sakit na nakamamatay. Ang higit na maayos na public health care ay nakatutulong din sa pagiging malusog ng maraming mamamayan.
Tinatayang aabot na sa halos 13 milyon ang mga Pilipinong may 60 taon gulang at pataas.
Sa datos ng Philippine Statistic Authority na inilabas noong 2020, mayroon nang 12,336,355 na senior citizens ang bansa.
Ayon naman sa 2020 Census of Population and Housing, ang mga Pilipinong nasa kategorya ng senior citizens ay 11.31% ng kabuuang populasyon na 109,035,343 noon.
