BALITANG SENIOR
Richard Chamberlain, si “Dr. Kildare” na kinagiliwan ng mga Pinoy noong 1960’s, pumanaw

3/31/25, 4:17 AM
Namatay na si Richard Chamberlain, ang gumanap na “Dr. Kildare” sa television series na naging paborito ng maraming Pilipino noong 1960’s
Si Chamberlain, 90, ay kilala rin sa kanyang golden voice at nagpahanga sa milyon-milyong fans sa kanyang pagganap sa “Shogun” at “The Thorn Birds.”
Ayon sa kanyang publicist Harland Boll, namatay si Chamberlain noong Linggo (Marso 29) dahil sa kumplikasyon na sanhi ng stroke.
Sa limang dekada niyang pagganap sa TV at sa silver screen, umani ng maraming awards si Chamberlain at lalo pang nagpahanga ng ibunyag niya sa edad na 68 na isa siyang ‘gay’.
Sa kanyang 2003 memoir “Shattered Love: A Memoir”, nag-out si Chamberlain matapos ang maraming dekadang pag-aartista ngunit ang “atrasado” niyang pag-amin ay lubos pang nagpahanga sa marami.
Ipinaliwanag niya na hindi lamang mahirap ngunit imposibleng para sa kanya na ibunyag ang tunay na pagkatao noong mga dekadang kanyang inabutan.
Matapos niyang sabihin na siya ay isang gay, higit naman naging maganda ang kanyang naging pakiramdam sapagkat tanggap siya at lalo pang naging malapit sa kanya ang mga tao.
Nakasungkit siya ng Golden Globe awards para sa “Dr. Kildare”; “Shogun” at “The Thorn Birds.” Nominado naman siya ng apat na beses sa prestihiyosong Emmy Awards.
Sa kanyang paglabas sa mga TV series, nabansagan si Chamberlain na king of the mini-series.
Si Chamberlain ang kauna-unahang gumanap bilang si “Jason Bourne” na sinimulan niya sa mini-series noong 1988.
Nang humina na ang hatak ng mga mini-series sa telebisyon, nagdesisyon si Chamberlain na balikan ang stage hindi laman dahil sa galing niyang umarte, ngunit dahil na rin sa maganda niya boses sa pag-awit.
Siya si Professor Henry HIggins sa “My Fair Lady” at Captain von Trapp sa “Sound of Music.”
