BALITANG SENIOR
Reklamo sa paglabag sa free vehicle parking ordinance sa Cebu dumarami

Photo from dolmenmalls.com
6/24/25, 6:41 AM
CEBU CITY - Bagamat ipinatupad noong pang 2023, ang Cebu City Senior Citizens Parking Exemption Ordinance of 2023 ay patuloy pa rin nagbibigay ng kalituhan sa mga benepisaryo at mga establisimiento dito.
Ayon kay Chito Aragon, hepe ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), maraming nakatatandang Cebuano ang nagrereklamo sa kanilang tanggapan dahil napag-kakaitan umano sila ng libreng pagparada ng kanilang mga sasakyan sa mga business establishments sa siyudad.
Ngunit bukod dito, nalilito rin ang ilang mga senior citizens na nag-aakalang pinahihintulutan silang mabigyan ng libreng parking fees kahit saan lugar sa Cebu City.
Ipinaliwanag ni Aragon na specific ang ordinansa na nagbibigay ng libreng parking para sa mga senior citizens sa pagparada ng kani-kanilang mga sasakyan sa mga business establishments, ospital, klinika, malls at katulad na mga lugar sa Cebu City.
Hindi sakop ng ordinansa ang overnight parking, valet parking, public street parking at mga espasyo na hindi naman pag-aari ng kahit anong lugar na pang-negosyo.
Marami umano sa mga reklamo ng mga senior citizens ay isinasampa laban sa mga establisimentong mayroon lamang limitadong parking spaces para sa senior citizens.
Dahil dito nagagawi sila sa mga regular parking spaces na naniningil ng bayad bagamat sila ay exempted.
Simula ng ipatupad ang ordinansa, mayroon nang 20 reklamo na pormal nang inihain.
Upang maiwasan ang kalituhan sa parking fee exemption nagsasagawa na ng mga pulong barangay ang OSCA-Cebu City upang ipaliwanag sa mga seniors ang mga probisyon ng ordinansa.
Pinulong na rin ng OSCA ang mga nagmamay-ari ng mga negosyo upang siguraduhin ang pagtalima nila sa ordinansa.
Ayon sa free parking ordinance, nahaharap sa multa na PhP1,500 hanggang Php5,000 ang sinumang napatunayang lumabag dito
