BALITANG SENIOR
Pulis guilty sa pagpatay ng 95-anyos na lola, nahatulan lamang ng community service

3/28/25, 11:12 AM
Bagaman pumatay ng 95 anyos na babae nang kanyang i-taser ang biktimang may hawak na patalim, hindi makukulong ang isang dating pulis sa Australia dahil sa kanyang krimen.
Napatunayang nagkasala ng manslaughter si Kristian White dahil sa pagpatay kay Clare Nowland sa pamamagitan ng taser sa senior citizen sa loob ng isang nursing home sa Cooma, New South Wales noong Mayo 17, 2023.
Ngunit sa halip na ipakulong ng huwes, si White ay sinentensyahan na lamang ng community corrections order sa loob ng dalawang taon. Ang napatunayang salarin ay kailangan din magsilbi ng 425 oras ng community service.
Sa kanyang desisyon, sinabi ni New South Wales Supreme Court Justice Ian Harrison na malaking pagkakamali ang nagawa ni White ngunit hindi nangangahulugang dapat ipakulong ang dating pulis.
Si White at ang kanyang mga kasamahan ay tinawag na rumesponde sa nursing home - may 70 milya mula sa Canberra - upang awatin si Nowland dahil sa sinusumpong ito ng dementia.
Hawak ang patalim, matigas na hindi tumatalima noon si Nowland sa pakiusap ng mga attendant na bitiwan ang kanyan armas at bumalik na sa kuwarto.
Sa kanyang pagresponde, tatlong minutong pilit kinumbinsi ni White si Nowland na ibaba na ang steak knife ngunit hindi siya pinansin ng lola. Dahil dito napilitan i-taser ang great-grandmother.
Bumagsak mula sa pagkakatayo si Nowland at bumama ang kanyang ulo sa sahig na nagsanhi ng pagkabasag ng kanyang ulo. Namatay siya sa ospital isang linggo matapos ang insidente.
Kinondena ng mga kaanak ng lola ang naging sentensya kay White.
Sa pagsentensya kay White, ipinaliwanag ni Harrison na hindi na kinakailangan pang ikulong si White na natanggal sa trabaho at naging hindi na katanggap-tanggap sa kanyang komunidad.
Ayon sa mahistrado, hindi rin kinokonsidera na mapanganib si White sa kanyang komunidad.
May 12 taon nagsilbi si White bilang pulis bago matanggal sa kanyang trabaho.
