BALITANG SENIOR
Pitong top GSIS executives sinuspinde dahil sa iregular na PhP1.45-B investment deal

Photo from rmn.ph
7/22/25, 10:12 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension si Government Service Insurance System President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso at anim pang ehekutibo ng ahensya dahil sa hinihinalang anomalya sa pagbili ng PhP1.45 billion preferred shares mula sa Alternergy Holdings Corp. (AHC).
Sa pitong pahinang direktiba na ipinalabas noong Hulyo 11 at ipinadala sa news media nitong Martes (Hulyo 22), isinama ang mga sumusunod sa sinuspindi:
Executive Vice President Michael Praxedes
Executive Vice President Jason Teng
Vice President Aaron Samuel Chan
Vice President Abigail Cruz-Francisco
Officer II Jaime Leon Warren at
Acting Office IV Alfredo Pablo
Sa direktiba, sinabi ng anti-graft body na mayroon sapat na dahilan upang ipasuspinde sina Veloso at kanyang mga kasamahan.
Nakakita ang Ombudsman ng “strong evidence showing their guilt” sa mga kasong grave misconduct, gross neglect of duty at violation of reasonable office rules and regulations.
Agaran ang pagpapatupad ng order ng suspensyon sang-ayon sa Section 27 (1) ng Republic Act No. 6770 o ang Ombudsman Act of 1989.
Nirekomenda ng mga imbestigador ng mga nasabing kaso ang pag-suspendi ayon sa results of an investigation (ROI) na isinumite kay Ombudsman Samuel Martires noong Enero 30.
Ayon sa impormasyo ng kaso, nag-subscribe ang GSIS noong Nov. 7, 2023 ng 100 million preferred shares mula sa Alternergy sa halagang PhP14.50 bawat bahagi sa ilalim ng private placement.
Napag-alaman ng Ombudsman na ang biniling perpetual preferred shares ay isinagawa nang wala pang pagsang-ayon ang GSIS board of trustees.
Ayon sa mga imbestigador ng kaso ang pitong GSIS officials ay lumabag sa mga probisyon ng 2022 GSIS Investment Policy Guidelines, sang-ayon sa mga sumusunod:
-Hindi nakalista sa Philippine Stock Exchange ang perpetual preferred shares sang-ayon sa petsa ng pagsagawa ng kasunduan at pagbayad ng subscription;
-Ang investment ay hindi sumusnod sa minimum market capitalization at lumagpas sa free float market capitalization cap;
-Ang preferred shares ay binili ng walang mahalagang pag-endorso mula sa assets and liabilities committee at ng risk oversight committee para ito ay ipa-apruba sa board of trustees ng GSIS.
