top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

BALITANG SENIOR

Pinakamatanda sa Amerika pumanaw sa edad na 115; ano ang kanyang sikreto?

Photo from dev.longeviquest.com

10/30/24, 5:27 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Si Eilzabeth Francis, kilala bilang pinakamatandang tao sa Estados Unidos ay namatay nitong linggo, ayon sa balita ng CNN.

Tinaguriang “Queen Elizabeth of Houston”, si Francis ay ikatlo sa pinakamatandang tao sa mundo bago siya pumanaw.

Isa siya sa iilang tao sa mundo na tinatawag na supercentenarians o mga nilalang na nabuhay ng higit sa 110 taon gulang.

Ipinanganak si Elizabeth noong 1909 sa St. Mary Parish, Louisiana. Namatay siya sa Houston, Texas na itinuring na niyang tunay na tahanan.

Pambihira ang nilalang si Francis sapagkat siya lamang yata ang nakatamasa ng pamamahala ng 20 pangulo ng US, nakaranas ng lagim ng dalawang giyerang pandaigdigan at nasaksihan ang segregated society at civil rights movement.

Sa kanyang kuwarto, makikitang nakapalamuti ang dose-dosenang mga plake, trophy at proklamasyon ng paghanga kay Elizabeth. Naroon din ang mga naka-kwadrong birthday cards na pinadala ng dating Pangulong Barack Obama pamilya ni dating Pangulong Bill Clinton at marami pang mga sikat na personalidad.

Mahilig siya tumanggap ng mga bisita, marami sa kanila mga celebrity at pulitiko.

Ayon sa kanyang caregiver at apo na si Ethel Harrison, nakikita sa mukha ng lola ang bakas ng kaligayahan kapat may mga taong nakakakwentuhan.

Bago namatay, si Francis na ang ika-21 pinakamatandang Amerikana sa kasaysayan ng bansa. Ika-54 siya sa pinakamatanda na nabuhay.

Kung susumahin,ang kanilang edad, si Elizabeth at ang kapatid na si Bertha Johnson na ang pinakamatanda sa mundo. Umabot sa edad na 106 si Johnson nang mamatay noong 2011.

Nang tanungin siya ng reporter ng KTRK kung ano ang pakiramdam ng isang pinakamatandang Amerikano, ito ang kanyang sagot: “I just eel like living every day.”

Isang dalagang ina, si Francis ay may nag-iisang anak si Dorothy Williams na ipinanganak noong 1928.

Ngayon ay 96 anyos na, tinanggap ni Dorothy ng maluwag sa loob ang pagpanaw ng ina.

Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, ang buhay ni Francis ay puno ng pakikipag-kapwa, pagiging pala-simba at pagta-trabaho sa isang coffee shop.

Sinabi ni Harrison na ang kanyang lola ay tumayong caregiver para sa kanyang mga kapatid at ama.

Hindi rin siya tumikim ng alak o sigarilyo, bagay na maaaring nakatulong sa kanyang pagtanda.

Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay isa rin sa mga inaakalang nagbigay sa kanya ng mahabang buhay.

Paborito niya ang berso ng Bibliya na 1 John 4:8 - “Whoever does not love does not know God because God is love.”

Ang aral nito ang mariin niyang itinuturo sa mga apo.

Si Elizabeth ay isang mananampalataya ng Good Home Missionary Baptist Church sa Houston.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page