BALITANG SENIOR
Peligrosong pag-iisa ng mga senior citizens: Tuklasin at alamin kung ano ang gagawin

4/14/26, 10:00 AM
Ni Joyce Sabado
Marami ang nakakaalam na masama ang epekto ng pag-iisa sa kalusugan at pag-iisip ng isang nakatatanda.
Sa kasamaang palad marami sa mga ito ang nais tumulong ngunit walang magawa dahil hindi alam ang tamang pagkilos para sa mahal nilang senior citizen.
Ano nga ba ang senyales ng kalungkutan ng pagiisa ang makikita sa ating mga magulang, lolo o lola? Ano ang kaya natin gawin upang maibsan ang kalungkutan at tuluyan mapasaya ang mga ito.?
Madalas ang pagpanaw ng asawa o isang mahal sa buhay ang sanhi ng kalungkutan ng mga senior citizens. Dahil sa ang mga anak ay abala sa pag-aaral at sari-sariling problema at pangangalaga sa pamilya, nakakaligtaan natin asikasuhin ang problema ng mga matatanda.
Sa isang pag-aaral noong 2024 sa Amerika, napatunayan na ang madalas na kalungkutan at pag-iisa ang nagiging sanhi ng pagiging ulyanin, paglala ng mga karamdaman tulad ng diabetes, high blood pressure at sakit puso, depresyon at suicidal tendency at pagka-balisa.
Ang lahat ng ito ay nagiging sanhi ng maagang kamatayan.
Sinabi ng isang experto sa Office of Geriatrics and Gerontology sa isang medical school sa Amerika, ang pag-iisa ay hindi lamang pakiramdam, sapagkat ito ay peligro sa kalusugan.
Dahil dito, inalam ng mga medical experts kung ano ang mga senyales ng kalungkutan dahil sa pag-iisa. Narito ang ilan:
-Pagbabago ng pag-uugali, higit ang pag-iwas na sa mga aktibidad na dating kinagigiliwan ng senior citizen
-Emotional distress
-Pagbabago ng mood, tulad ng pagiging iritable, pagkasungit at pala-away.
-Problema sa pagtulog at paggising ng alanganin kahit hindi naiihi sa gabi
-Madalas na pagsakit ng ulo at pagkahilo
-Kawalan ng ganang kumain at pagbaba ng timbang
-Pagbabago ng kadalasang pag-uugali katulad ng pagbabalewala sa personal na hitsura
Narito naman ang ilan sa epektibong paraan upang matulungan ang nakatatandang mahal sa buhay na sumaya
-KAUSAPIN, TANUNGIN AT PAKINGGAN: Ugaliing makipag-usap sa senior citizen. Alamin ang mga nasa isip niya ang dahilan ng kalungkutan at ano ang maaaring gawin upang maibsan o mawala ito. Alamin kung ano ang nami-miss gawin o ang mga nais maibalik na dating ginagawa upang maging masaya. Sa pakikipag-usap, dapat makinig mabuti at maging matandain
-MAGPANUKALA NG MGA PUWEDENG GAWING DIBERSYON: Para sa mga nangungulilang dating nag-aalaga ngunit pumanaw na maysakit na mahal sa buhay, malaki ang posibilidad na manumbalik sa ala-ala ang dating pagpapakita ng pagmamahal.
Kailangan ipakilala siya sa kakaibang gawain at bagong mga kaibigan. Hikayatin siyang sumali sa zumba o physical fitness exercises. Magmungkahi ng mga magagandang palabas sa telebisyon o sine na masasaya.
-HIKAYATIN MAGING AKTIBO SA LIVELIHOOD TRAINING, PAGLULUTO AT IBANG KATULAD NA PAGKILOS. Kailangan nilang maging aktibo ang pag-iisip at maging malikhain.
-SAMAHAN MAGBALIK-TANAW SA NAKARAAN - Makipagkwentuhan ng mga masasayang ala-ala o hindi makakalimutang eksperiyensa sa kanyang kabataan;. Alamin kung paano siya pinasaya ng pag-aalaga sa mga anak o apo at iba pang magagandang ala-ala. Puwede rin ilabas ang mga litrato upang magbalik ang kislap ng nakaraan.
-TURUAN SA BAGONG TEKNOLOHIYA AT SOCIAL MEDIA - Ipakilala ang bagong teknolohiya ng internet upang lalo pang magkaroon ng koneksyon sa buhay niya
