BALITANG SENIOR
Panawagan sa 12-M senior citizens: Suportahan ang may akda ng Universal Pension Program bill

4/1/25, 8:14 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Nananawagan ang dalawa sa pinakamalaking senior citizens groups sa bansa ng suporta para sa mga partylist organizations, partikular ang mga kumakatawa sa elderly sector, na may akda ng Universal Pension Program bill sa Kongreso.
“Sa 12 milyon na botanteng senior citizens, sana naman siguraduhin na natin ang pagboto sa mga partylist groups na nanindigan sa Kongreso upang maipasa ang UPP,” sinabi ni Jorge Banal, pangulo ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines-National Capital Region.
Ipinaliwanag ni Banal na kung magkakaisa lamang ang lahat ng kasapi sa senior citizens sector, malaki ang pag-asang agad maipapasa sa Mababang Kapulungan ang bersyon ng UPP na inaprubahan ng mga kongresista noong Mayo, 2024.
Ayon naman sa pahayag ni Godelia S. Esguerra si United Seniors Rep. Mila Aquino-Magsaysay na nagbigay ng pinakamalakas na boses upang aprubahan ng Kamara ang UPP.
“Ito ang dahilan kung bakit nananawagan kami sa lahat ng senior citizens sa bansa na siguraduhin maipanalo sa partylist election ang tatlong representatives ng United Seniors Citizens na pinangungunahan ni Congresswoman Mila,” diin ni Esguerra.
Nagkaisa ng pananaw sina Banal at Esguerra na higit na lalaki ang pag-asa na maging batas ang Universal Pension Program kung darami ang representatibo ng mga senior citizens partylist sa Mababang Kapulungan.
Layon ng UPP ang pamimigay ng PHP500 buwanang pensyon para sa lahat ng Pilipinong senior citizens.
“Matitiyak ang pagsasabatas ng UPP kung maaga itong maipapasa sa Kongreso. Mangyayari naman ito kung mabibigyan ng mas malakas na boses ang senior citizens partylist sa lehislatura,” ayon kay Esguerra.
Matatandaan na bagamat naaprubahan ng Kamara ang UPP noong Mayo, 2024, hindi naman ito inaksyunan ng komite sa Senado na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos.
Dahil sa mabagal ng pag-usad ng UPP bill sa Senado, pinangunahan ni Magsaysay at mga senior citizens organizations tulad ng FSCAP at UNISCA-D3, ang isang rally ng mga elderly Filipinos sa Mataas na Kapulungan upang makiusap ng aksyon ni Marcos ngunit nabale-wala ang pagkilos na ito.
Si Magsaysay ang isa sa mga pangunahing akda ng UPP measure. Sa tulong ng ilang mga kasamahan sa mayorya ng Kamara, naging matagumpay siya sa adbokasiyang ito at ipinasa nga ng Kamara ang panukalang batas.
Bukod kay Magsaysay ang ilan pa sa mga partylist representatives na naghain ng kani-kanilang bersyon ng UPP ay sina Reps. Elizaldy Co at Raul Angelo D. Bongalon ng Ako Bicol at Nicolas Enciso ng Bicol Saro.
Inaasahan din ang buong suporta para sa UPP ng mga senior citizens partylist na tumatakbo sa 2025 midterm elections.
Nagpahayag din ng suporta sa UPP ang mga partylist na Tinig ng Senior Citizen, Senior Citizens Partylis, Aktibong Kaagapay Partylist, at Serbisyo sa Bayan.
