
BALITANG SENIOR
Pag-asang maipasa ang Universal Social Pension bill lalong tumitindi, NCSC sumusuporta

8/26/25, 7:00 AM
Ni Samantha Faith Flores
Patuloy na lumalaki ang pag-asang maipasa na ang Universal Social Pension bill kasunod ng pag-endorso sa panukalang batas ng National Commission of Senior Citizens.
Inulit ni NCSC Chair Dr. Maryjean Loreche ang posisyon ng komisyon na suportahan ang bill sa kanyang pagharap sa mga senior citizens sa Project 4, Quezon City nitong Lunes (Agosto 25).
Isa si Loreche sa mga resource speakers sa ginanap na “Karapatan mo, Alamin mo” seminar na inorganisa ng Marilag Senior Citizens Association (MSCA) sa Our Lady of Miraculous Medal Parish.
Nag-bigay din ng lecture sa mga karapatan at pribiliheyo ng mga nakatatandang Filipino sina Abogado Romulo Macalintal, ang tinaguriang tagapagtanggol ng mga senior citizens, Abogada Germaine Leonin, legislative staff ni Unified Seniors Rep. Mila Aquino-Magsaysay at Marell S. Azucena ng Elderly Welfare Program ng Quezon City Social Services and Develoopment Department.
“Sinusuportahan ng NCSC ang pagpapatupad ng Universal Social Pension para sa mga senior Citizens. Ito po ang ibinigay namin posisyon sa hearing ng Committee on Social Justice noong nakaraang linggo,” diin ni Loreche sa MSCA seminar.
Ayon kay Loreche malaking tulong ang halagang ipagkakaloob kada buwan para sa mga seniors higit pa sa pagbili nila ng mga gamot at mga basic na pangangailangan.
Ipinaliwanag niya na pinag-aralan ng NCSC ang kapasidad ng pamahalaan na ipagkaloob ang pinansyal na tulong para sa mga nakatatandang Filipino.
Sinabi ni Loreche na malaki-laki ang gagastusin ng gobyerno para pondohan ang programa ngunit mahigpit din ang pangangailangan ng mga seniors para sa dagdag na tulong.
Ngunit nakiusap naman ang NCSC chief na huwag na masyado umasa ang mga senior citizens ng higit sa PhP1,000 kada buwan na pensyon.
Idiniin niya na may posibilidad din na ang malaking financial assistance para sa senior citizens ay magdulot naman ng kakulangan sa tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga iba pang hikahos ng kababayan.
Halos tig-isang dosena nang bills para sa pagpapatupad ng universal social pension ang naihain na sa House of Representatives at Senado.
Mula sa PhP500 hanggang PhP3,000 ang ipinapanukalang buwanang pensyon na ipagkakaloob sa lahat ng senior citizens na hindi kasali sa PhP1,000 kada buwan social pension para sa indigent senior citizens na itinatakda ng umiiral ng batas.




