BALITANG SENIOR
Nganga sa social pension program lumobo na sa higit 800,000 indigent seniors

Photo from philnews.ph
11/14/24, 8:08 AM
Habang ipinaglalaban ng mga kongresista ang badyet para sa umano’y pinupulitikang AKAP o Ayuda para sa Kapos ang Kita Program, lumagpas na sa 800,000 na mga hikahos ng senior citizens ang napagkaitan ng buwanang pensyon sa ilalim ng isinabatas na Social Pension Program.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development mula sa 622,000 noong Setyembre, 2024, umabot na sa mahigit 800,000 indigent senior citizens na kwalipikadong makatanggap ng buwanang PHP1,000 bilang pension ang patuloy na “nganga”.
Ang mga nasa waitlist ay hindi pa nakasali sa anumang payout ng social pension program simula 2024.
Ang dahilan sa likod ng pagkakait ng tulong pinansyal ay ang kapos na PHP49.8 bilyon badyet na inilaan ng Kongreso para ipatupad ang Social Pension for Indigent Senior Citizens nitong 2024.
Samantala, sa inisyatibo ng House of Representatives, naglaan ang Kongreso ng PHP26.7 bilyon para sa AKAP.
Hindi katulad ng social pension program, walang batas na naging basehan ang lehislatura upang ipilit ang pagsasatupad at pagpondo ng AKAP na may budget na sobra pa sa kalahati ng inilaan sa social pension.
Napansin ng Senado ang tila diskriminasyon na ito kung kayat nagpasya kamakailan ang Senate Committee on Finance sa pangunguna ni Sen. Grace Poe na rebisahin ang AKAP funding.
Idiniin naman ni Sen. Imee Marcos, vice chairperson ng finance panel, na hindi priority program ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang AKAP.
Ayon kay Sen. Marcos isiningit ng Kamara ang napakalaking gastusin para sa AKAP noong aprubahan ang 2024 budget.
Ipinagtanggol ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang patuloy na pagpopondo sa AKAP dahil sa umanoy malaking tulong ng pondo para sa mga kumikita ng minimum wage lamang.
“AKAP is not just a program; it’s a lifeline for breadwinners and their families facing tough times,” paliwanag ni Acidre.
Dagdag pa niya: “This aid has allowed them to meet everyday needs while also positively impacting their communities.”
Sa maraming mga press releases na nailalathala, lumalabas na mga kongresista ang nagpapatupad ng pamimigay ng ayuda para sa piling mga benepisaryo ng AKAP.
