BALITANG SENIOR
NCSC commissioner: Dagdag 5% diskwento para sa seniors kapalit ng Universal Pension Program?

2/7/25, 5:50 AM
Ni Samantha Faith Flores
Sa halip na Universal Social Pension para sa lahat ng nakatatandang Filipino, dagdag na 5% sa umiiral na 20% diskwento para sa gamot at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga senior citizen ang iminungkahi ng isang opisyal ng National Commission of Senior Citizens.
Sa isang interview ng Senior Times, sinabi ni NCSC Commissioner Rainier Cruz na sakaling talagang wala nang pag-asang maipasa ang USP bill, dapat nang pag-aralan ang mungkahi niya na gawing 25 porsiyento ang bawas sa presyo ng bilihin at serbisyo.
Upang mangyari ito, sinabi ni Cruz na dapat amyendahan ang Republic Act No. 9994 na nagtatadhana ng umiiral na 20 percent diskwento sa presyo ng mga gamot, pangunahing pangangailangan at serbisyo para sa mga matatanda.
Inililibre din ng RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 ang mga senior citizens sa pagbabayad ng 12 porsiyento value added tax sa may mga diskwentong bilihin.
Una dito, iminungkahi na rin ni NCSC Commissioner at kasalukuyang officer-in-charge Mary Jean Loreche na bigyan na lamang ng libreng gamot ang mga senior citizens sakaling wala nang pag-asa pang maaksyunan ng Kongreso ang Universal Social Pension Program para sa humigit kumulang 13 milyon senior citizens sa bayan.
Ayon kay Loreche na isang doktor, malaki ang maitutulong sa mga senior citizens, higit ang mga nagkakasakit na, ng programang medikal na magbibigay ng libreng gamot.
Sa kanyang mungkahi, ipinaliwanag ni Cruz na ang karagdagang limang porsyentong diskwento ay maaaring ipasagot sa pamahalaan.
Upang maipatupad ito, bibigyan ang mga retailers ng gamot at mga pangunahing pangangailangan ng limang porsiyentong tax exemption na katumbas ng halaga dagdag na diskwento na ibinigay sa senior citizens.
Ipinasa na ng Mababang Kapulungan ang USP bill noong Mayo, 21, 2024 ngunit hindi ito inaksyunan sa Senado ng komite na pinangungunahan ni Sen. Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi nagboluntaryo ng pangako ang senadora na aaksyunan na niya ang panukalang batas sa pakikpagkita niya sa mga lider ng mga pambansang samahan ng mga senior citizens matapos ang isang rally sa harap ng Senado noong Enero 20.
Sa halip na USP bill ang tinalakay ng komite ni Sen. Marcos, inuna nito ang konsiderasyon ng mga susunding alituntunin sa pagpapamudmod ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa panahon ng halalan.
Malawakan na ang pagbatikos sa pamimigay ng AKAP na hinihinalang pork barrel ng mga mambabatas ngunit patuloy pa rin ang pagpilit ng mga ito na pondohan at ipatupad kahit may midterm elections na gaganapin.
Ang pamimigay ng ayuda o kahit anong tulong pinansyal para sa mga botante ay ipinagbabawal ng batas. Ngunit maaari itong payagan kung magkakaroon ng permiso mula sa Commission on Elections.
