BALITANG SENIOR
Nakakulong na Katolikong bilyonaryong septuagenarian hindi natitinag ang prinsipyong pro-democracy

Photo from hongkongfp.com
8/23/25, 8:39 AM
Ni Samantha Faith Flores
MANILA – Sinabi ni Sebastien Lai, anak ng nakakulong na aktibistang prodemokrasya sa Hong Kong na si Jimmy Lai, na nananatiling matatag ang kanyang ama habang nagpapatuloy ang closing arguments sa matagal nang kasong pangseguridad pambansa.
Si Jimmy Lai, isang Katolikong negosyante, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at nagtatag ng Apple Daily, ay nililitis mula pa noong 2023 dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa mga banyagang pwersa sa ilalim ng batas na ipinasa ng pamahalaang Tsino. Maaari siyang makulong habang-buhay kung mapatunayang nagkasala.
Ayon kay Sebastien, ang kaso laban sa kanyang ama ay isang “show trial” at malinaw na halimbawa ng paggamit ng batas bilang sandata. Aniya, ang mga ebidensyang iniharap laban kay Jimmy ay “pawang kasinungalingan.”
“Nakakulong ang ama ko dahil sa kanyang pamamahayag at tapang—dahil pinili niyang ipagtanggol ang kanyang mga kababayan at lumaban para sa demokrasya at karapatang pantao sa Hong Kong,” wika ni Sebastien.
Habang patuloy ang suporta ng iba’t ibang lider sa buong mundo, sinabi ni Sebastien na lubos silang nagpapasalamat ngunit panahon na upang maging konkretong aksyon ang mga salita. Kamakailan, nangako si dating U.S. President Donald Trump na gagawin ang lahat upang makalaya si Jimmy.
“Lubos akong nagpapasalamat na nananatiling malapit sa kanyang puso ang kaso ng aking ama,” dagdag ni Sebastien. Naniniwala rin siyang higit pang magagawa ng pamahalaan ng United Kingdom upang makamtan ang kalayaan ng kanyang ama.
