top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

BALITANG SENIOR

Mga lider ng kasambahay, LGBTQI+ naluha sa pagbinbin ng Universal Social Pension sa Senado

1/28/25, 11:26 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Naging emosyonal at nauwi sa iyakan ang press conference ng mga namumuno sa malalaking samahan ng mga senior citizens na humihiling ng pagpasa ng Universal Social Pension Bill na tila kusang ibininbin sa Senado.

Matapang na sinimulan ng mga senior citizen leaders ang pulong balitaan na ginanap sa Quezon City ngunit tumulo ang luha ng maraming dumalo nang magsalita sina Himaya Montenegro, pangulo ng United Domestic Workers Philippines at Mario Rey Revago na lider ng Golden Bekis LGBT Seniors.

Nagpahayag ng pangamba si Himaya ng sasapitin ng mga katulad niyang kasambahay sa oras na umabot na sila sa pagtanda at walang maasahang tulong mula sa pamahalaan.

Napaluha siya nang umapela kay Sen. Imee Marcos at mga namumuno sa Senado na ipasa na ang panukalang batas na magbibigay sa lahat ng senior citizens ng PHP500 buwanang pensyon.

“Maaring bata ako, ngunit mulat po ang aking mga mata sa nangyayari sa ating lipunan. Sabi nila old is gold pero hindi ginto ang pagtingin nila sa ating mga nakatatanda,” matapang na sinimulan ni Montenegro ang kanyang pahayag ng pakikiisa.

Subalit nang tila mapagtanto nito na hindi malaki ang pag-asa na maipasa ang bill, naging emosyonal ang lider ng mga kasambahay.

“Naiiyak ako para sa kanila kasi naman hindi naman sila tatagal sa mundo kaya bakit hindi natin sila pahalagahan,” malungkot na ipinahayag niya.

Sa pagdausdos ng luha sa mga mata ni Himaya, napansin na marami sa mga senior citizens na dumalo sa press conference ang naging emosyonal din.

Si Himaya ang isa sa dalawang hindi senior citizen na humarap sa media noon Lunes. Ang isa ay si Gabriel Peralta, pinuno ng Sangguniang Kabataan ng isang barangay sa QC.

Tinawag ng Aksyon sa Pensyon Koalisyon (AKAP) ang pulong balitaan upang susugan ang isinagawang rally sa Senado ng mga nanawagan sa pagkilos ni Marcos sa bill.

Si Marcos, ate ng Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang tagapangulo ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development kung saan nabinbin ang USP bill..

Ayon kay Revago, bukod sa pagiging matanda, nahaharap din ang LGBTQIA+ na senior citizens sa matinding diskriminasyon.

Idiniin niya na marami sa kanilang sektor ay napagkakaitan ng trabaho lalo pa at umaabot na sila sa senior years.

“Kami ay hindi naman masasamang tao at may pakinabang pa naman kahit matatanda na,” paliwanag ni Revago.

Nagpahayag din ng pakikiisa sa mga nakatatandang Filipino si Peralta na nakiusap sa mga mambabatas na isabatas na ang USP.

Binatikos ni Peralta ang paggamit ng senior citizen sector para sa pamumulitika.

“Sana hindi magamit ang pensyon sa eleksyon. Maraming tumatakbo na pabor sa bill para lamang makuha ang loob ng nakatatanda,” ayon sa kanya.

Umapela ang SK chairman sa mga senior citizens na huwag magpagamit at sa halip ay suportahan na lamang ang mga kandidatong sumusuporta sa USP bill.





Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page