BALITANG SENIOR
Lolo patay sa pananaksak matapos ipagtanggol ang apo sa paninira

1/27/25, 11:32 AM
Ni Samantha Faith Flores
SANTA ROSA, Laguna - Nagbuwis ng buhay ang isang 73 anyos na lolo dahil sa pagtatanggol sa kanyang apo na sinisiraan ng kanyang mga kabarkada.
Namatay si Romeo Madrigal matapos na pagtulungang pagsasaksakin ng mga kalalakihang nag-iinuman sa Barangay 7, Bagumbayan sa Paete noong gabi ng Linggo (Enero 26).
Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga palayaw na sina Ramir, Zoilo at Bobby.
Nag-iinuman umano ang tatlong magkakaibigan nang harapin sila ni Romeo at pinagsabihan na mali ang mga paratang nila tungkol sa apo. Hindi na nai-ulat ang pangalan at ang dahilan ng paninira sa nasabing apo.
Dahil sinagot-sagot ito ng mga lalaki, nag-init ang lolo at hinamon ang tatlo ng suntukan.
Sa halip na tanggapin ang hamon na mano-mano ng matanda, pinagtulungan nila ang biktima. Isa sa mga suspek ang naglabas ng kutsilyo at at pinagsasaksak si Madrigal sa tulong ng dalawa nitong kasamahan.
Agad kumaripas ng takbo ang tatlo ngunit nahuli rin ng mga pulisya sina Ramir at Zoilo. Si Bobby naman ay patuloy pang pinaghahanap ng mga alagad ng batas.
Naitakbo pa sa ospital sa Pakil si Madrigal ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa dami ng saksak niya sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nahaharap sa kasong homicide ang tatlong umanong salarin.
