BALITANG SENIOR
Lola nagnakaw upang makabalik sa kulungan, makalibre sa tirahan at pagkain

Photo from www.shethepeople.tv
2/8/25, 7:00 AM
Isang 81-anyos na lola sa Japan ang sinadyang magnakaw upang makabalik sa bilangguan at makalibre sa pagkain at tirahan.
Batay sa ulat ng South China Morning Post, pinili ni Akiyo na gumawa ng krimen upang makulong muli sa Tochigi Women's Prison, ang pinakamalaking bilangguan para sa kababaihan sa Tokyo, sa gitna ng lumalalang krisis sa pagtanda ng populasyon.
Unang nakulong si Akiyo noong siya ay nasa edad 60 dahil sa pagnanakaw ng pagkain dahil sa kakarampot na pensyon at kawalan ng suporta mula sa pamilya. Lumaya siya noong Oktubre 2024.
"I made a poor decision and shoplifted, thinking it would be a minor issue. If I had been financially stable and had a comfortable lifestyle, I definitely wouldn't have done it," ani Akiyo sa ulat.
Bago siya makulong sa ikalawang beses, nakatira si Akiyo sa kanyang bahay kasama ang kanyang 43-taong gulang na anak.
Ipinararamdam umano ng kanyang anak na nais na nitong bumukod at pabigat lamang siya.
Doon na naisip ni Akiyo na wala nang saysay ang kanyang buhay at nais na niyang mamatay.
Sa halip na magpatiwakal, nagdesisyon siyang muling magnakaw at nasentensyahan ng pagkakakulong kamakailan para makalibre sa tirahan at pagkain.
"Being alone is a very difficult thing, and I feel ashamed that I ended up in this situation," ayon sa kanya.
"I really feel that if I had a stronger will, I could have led a different life, but I am too old to do anything about it now," dagdag niya.
Ayon sa datos ng pamahalaan ng Japan noong 2022, mahigit 80% ng mga nakatatandang bilanggo ay nakulong dahil sa pagnanakaw.
Mula noong 2003, halos apat na beses na ang itinaas ng bilang ng mga preso na may edad 65 pataas.
Ayon kay Takayoshi Shiranaga, isang opisyal sa Tochigi Women’s Prison, maraming matatandang bilanggo ang naiisip na mas mainam pang makulong kaysa mamatay nang mag-isa.
Handa pa raw ang mga ito na magbayad upang manatili sa bilangguan.
"For many elderly inmates, prison is preferable to dying alone outside," ani Takayoshi. #
