BALITANG SENIOR
Lola muling nakita ang alagang pusa na nawala ng 4 na taon

Photo courtesy of Action News 5
5/1/24, 3:49 AM
Hindi inakala ng isang 94-anyos na lola sa Germantown, Tennessee sa United States na makikita niya pa ang alaga niyang pusa na nawalay sa kanya sa loob ng apat na taon.
Naging madamdamin ang pagkikita ni Julie Golden sa kanyang alaga na si Eli na nawala noong 2020, ilang linggo lang matapos pumanaw ang kanyang asawa.
Sa ulat ng Action News 5, nagtangka pa noong magtanong-tanong si Julie sa mga kapitbahay, ngunit dahil sa kasagsagan ito ng pandemya ay hindi na niya nahanap pa si Eli.
Sa pag-aakala ng lola ay pumanaw na ang pusa at hindi na niya ito muling makikita pa.
Marahil ay nagpalaboy-laboy daw ang pusa.
Ilang linggo lang ang nakakaraan nang matagpuan ni Sunny Pipkin ang nasabing pusa sa daan.
Agad niya itong dinala sa veterinarian dahil sa nakaaawang kondisyon.
Doon na nakita ang microchip sa pusa na naglalaman ng mga impormasyon ni Julie. Sa tulong nito ay nahanap ni Sunny ang tinitirhan ni Julie at dinala doon si Eli.
“It was a dream come true, a miracle really,” sabi ni Julie.
Napagkasunduan ng dalawa na mananatili na si Eli kay Sunny.
