BALITANG SENIOR
Lola, 72, patay sa saksak ng kinakasamang edad 33

Photo from setn.com
1/20/25, 1:57 PM
Isang 72-anyos na lola ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kanyang 33-anyos na kinakasama sa Aguilar, Pangasinan.
Selos at utang ang itinuturong dahilan ng krimen, ayon sa ulat ng GMA Regional TV.
Bago ang insidente, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa matapos akusahan ng biktima ang hindi pinangalanang suspek na may nililigawang kapitbahay.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo, sinisingil din umano ng biktima ang utang ng suspek na umabot sa P13,000 at doon na raw niya nasaksak ang lola.
"Lasing iyong suspek at itong namang biktima, parang kinukuha niya yung naipahiram sa suspek na P13,000," ayon kay Major Mark Ryan Taminaya, hepe ng Aguilar Police Station.
Agad tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos ang insidente ngunit natunton siya ng mga awtoridad sa kanyang bahay sa Bayambang.
Nakakulong na ngayon ang suspek at desididong sampahan ng murder case ng pamilya ng biktima.
"Nakakalungkot po kasi siyempre biglaan ang nangyari," saad ng anak ng biktima.
"Hindi namin sukat akalain na ganun ang kakahantungan ng nanay ko po." #
