BALITANG SENIOR
Lola, 70, natimbog sa Quiapo sa pagbebenta ng “pampalaglag”

Photo from flickr.com
2/27/25, 11:14 AM
Ni Samantha Faith Flores
Dahil sa pagbebenta ng hinihinalang abortion pills, isang 70-anyos na lola ang inaresto ng mga pulis sa Maynila nitong Huwebes (Peb. 27).
Sa isang buy bust operation na isinagawa ng Intelligence Division ng Manila Police District, nasakote ang suspek at ang kanyang pamangkin sa akto ng pagbebenta ng “pampalaglag ng sanggol sa sinapupunan ng ina.”
Isang foreign national din ang dinakip ng mga pulis dahil din sa parehong paglabag sa batas.
Dati nang ipinagharap ng reklamo ang matandang babae dahil naman sa pagbebenta umano ng ilegal na droga.
Ayon sa imbestigasyon, nahuli ang senior citizen sa harapan ng Quiapo Church matapos na magreklamo ang mga taga-simbahan.
“Nakahuli rin kami ng isang foreign national na nagbebenta rin ng abortion pills,” ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui.
Sa imbestigasyon, napag-alaman nag nagbebenta ang dalawa ng mga abortion pills sa halabang PHP1,000 hanggang PHP3,500.
Marami sa mga parokyano ng lola ay mga estudyanteng babae na minsan ay sinasamahan ng kanilang mga boyfriend.
Ipinagharap ng kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 ang mga nahuli.
