BALITANG SENIOR
FDA binalaan mga botika: Reseta sa OTC hindi kailangan para sa 20% senior discount

11/9/24, 4:30 AM
Pinayuhan ng Food and Drugs Administration ang mga senior citizens na idulog nila sa Office of Senior Citizens Affairs ang mga isyu laban sa mga botika na ayaw magbigay ng 20% diskwento sa mga binibili nilang over-the-counter medicines.
Ang payo ay konektado sa FDA Advisory No. 2024-0429 na inilabas ng ahensya kung saan idiniin ni Director-General Dr. Samuel A. Zacate na hindi na kailangan ng senior citizen na magpakita ng reseta ng doktor para maka-diskwento ng 20% sa mga binibiling over-the-counter medicines.
Ito ay matapos na usisain ng Senior Times.Ph kung itinuturing na epektibo pa rin ang FDA Advisory No. 2014-054 na nilagdaan noong 2014 ng noon ay acting director-general ng ahensya na si Dr. Kenneth Hartigan-Go.
“Kindly coordinate with the nearest Office for Senior Citizen’s Affairs (OSCA) in your area regarding this matter,” payo ng FDA.
Nagbigay rin ang ahensya ng link sa iba’t-ibang mga FDA advisories at regulasyon ukol sa Republic Act 9994.
Nakatakda sa RA 9994 na dapat bigyan ang mga senior citizens ng 20% diskwento para sa mga serbisyo, pagkain, gamot at iba pang pangangailangan.
Nagbigay ang FDA ng link ng mga direktiba para sa pagpapatupad ng mga probisyon ng RA 9994 at isa dito ang FDA Advisory No. 2024-0429.
Sa FDA Advisory No. 2024-0429 na nilagdaan ni Zacate, naglalahad ng paglilinaw ang ahensya ukol sa mga probisyon ng RA 9994.
Inulit ni Zacate ang nilalaman ng FDA Advisory No. 2014-054 na nagsasabing sakop ng diskwento sa RA 9994 ang pagbili ng “over-the-counter” medicines.
Ayon sa dalawang official documents, hindi na kailangan ng senior citizens na magpakita reseta ng doktor upang maka-diskwento sa binibiling OTC medicines.
“Section VI.6.1` of AO No. 2012-0007 does not require a doctor’s prescription for the purchase of over-the-counter (OTC) medicines,” ayon sa abiso ni Zacate.
Idiniin pa ni Zacate na hindi na nga kailangan ng preskripsyon ng doktor para sa mga OTC na nais bilhin ng mga senior citizens sa presyong may diskwento.
“All drug outlets and hospital pharmacies are hereby required to grant 20% discount on medicines purchased by Senior Citizens upon presentation of the above requirements,” babala ng FDA chief..
Dagdag niya: “Sanctions and penalties shall be imposed in accordance with Section 7 of RA No. 9994, amending Section 10 of RA 9257 in relation with Section 6 thereof.”
