BALITANG SENIOR
Dumarami mga seniors na namamatay sa choking: Mga paraan ng pag-iwas

Photo from www.chicagoillinoisnursinghomereviews.com
8/8/25, 7:30 AM
Ni Rassel Joyce Sabado
Maraming mga nakatatanda indibidwal ang nabubulunan ngunit nakaliligtas sa kamatayan. Ngunit marami rin ang hindi.
Sa Pilipinas, walang agarang statistics na makukuha tungkol sa insidente ng choking o nabulunan dahil sa pagkain dito sa Pilipinas.
Maraming kabataan ang na-oospital matapos mahirinan ngunit hindi naman naka-report kung mas marami pa sila kumpara sa mga senior citizens.
Ngunit ang malinaw na katotohanan ay mas nakaliligtas sa kamatayan ang mga batang nahirinan kumpara sa mga lolo at lola.
Sa Amerika, umaabot sa 4,100 senior citizens na may edad na 65 at pataas ang namamatay kada taon.
Kumpara sa mga age brackets, 75 percent ng mga taong nabubulunan at namamatay ay galing sa sektor ng senior citizens, ayon sa tala ng federal government health agencies.
Marahil ito ay dahil sa humihina ang muscle sa bunganga at lalamunan ng mga tumatanda. Isa rin dahilan ay ang pagbaba ng dura. Bukod dito, panganib din ang mga pustiso na kadalasan ay gamit ng maraming mga tumatandang nagkakaproblema sa ngipin.
Sinabi ng mga awtoridad na hindi man lubhang tumataas ang dami ng nabibiktima ng pagkaing bumara sa windpipe ng tao, ang katotohanan ay unti unting dumarami ang namamatay na seniors dahil dito.
Ito ang dahilan kung bakit maraming mga medical companies ang gumagawa na ngayon at nagbebenta ng mga anti-choking devices para sa nakatatanda.
Para sa mga medical professionals naman, hati ang kanilang pag-iisip kung dapat nga ba i-endorso ang mga devices na ito o hindi.
Samantala, mahalagang payuhan na muna ang mga senior citizens o ang mga nag-aalaga sa kanila ng mga ilang impormasyon tungkol sa choking.
Nabubulunan ang tao kapag may pagkain o bagay na nakaharang sa windpipe. Ito ang pumipigil ng pagpasok ng oxygen sa baga.
Ang mga senyales na nangyayari ito sa isang tao ay kapag humahawak ang biktima sa kanyang leeg at hindi o hirap makapagsalita makapagsalita.
Ano ang dapat gawin upang makaiwas sa choking?
1. Liitan ang mga pagkain ipapasok sa bibig, higit ang mga karne at malalagkit na pagkain.
2. Payo rin ng mga eksperto na magdahan dahan sa pagnguya at paglulon ng pagkain.
3. Uminom ng maraming likido habang kumakain ngunit dahan-dahanin din ang paglulon nito.
4. Iwasan ang pagtawa o pagsasalita habang ngununguya o lumululon ng pagkain.
