BALITANG SENIOR
Digital national senior citizens ID sa eGovPH App maari nang i-download

Photo from www.gmanetwork.com
8/16/25, 10:42 AM
Pormal nang inilunsad ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang digital National Senior Citizens ID (NSCID) sa pamamagitan ng eGovPH App noong Huwebes (Agosto 15).
. Ito ay isang makasaysayang hakbang tungo sa mas inklusibong digital na pamahalaan para sa mga nakatatanda.
Sa pamamagitan ng digital NSCID, mas madali nang maa-access ng mga senior citizen ang kanilang mga benepisyo, diskwento, at serbisyong pangkalusugan nang hindi na kailangang magdala ng pisikal na dokumento.
Ang proyektong ito ay nakahanay sa 8-Point Socioeconomic Agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakatuon sa digital transformation, mas mabilis na serbisyo publiko, at pinalakas na proteksyong panlipunan.
“Hindi lang ito tungkol sa digital innovation—ito ay isang pahayag na karapat-dapat ang ating mga senior citizen ng kaginhawaan at empowerment sa digital age,” ayon kay NCSC Chairperson at CEO Dr. Mary Jean P. Loreche.
Dagdag pa niya, sisiguraduhin ng komisyon na walang senior citizen ang mapag-iiwanan sa mabilis na umuunlad na digital na lipunan.
“Tanda ito ng malasakit ng gobyerno. Kasama dapat ang senior citizens sa digital age,” pahayag naman ni DICT Secretary Henry R. Aguda.
Dumalo rin sa paglulunsad sina Kinatawan Rodolfo “Ompong” Ordanes at Milagros Aquino-Magsaysay, na kapwa masugid na tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga nakatatanda sa Kongreso.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may higit siyam na milyong senior citizens sa bansa noong 2020. Hanggang Hulyo 2025, umabot na sa 8.4 milyon ang nakarehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), at 1.2 milyon dito ang aktibong gumagamit ng eGovPH App.
Para sa mga hindi makapagrehistro online, makikipagtulungan ang NCSC sa mga lokal na pamahalaan, regional offices, at mga partner organization upang magbigay ng on-the-ground support at digital onboarding.
Ang mga senior citizen na mayroon nang national ID at eGovPH account ay awtomatikong magkakaroon ng kanilang digital NSCID.
Bahagi ito ng mas malawak na pananaw ng Bagong Pilipinas tungo sa isang gobyernong inuuna ang mamamayan, may malasakit, at handang sumabay sa digital na panahon—upang masiguro na ang mga nakatatanda ay masisiyahan, magkakaroon ng ginhawa, at mapalalakas ang kanilang kakayahan sa kanilang ginintuang taon.
