BALITANG SENIOR
Catholic sister na pinakamatandang nilalang sa mundo pumanaw na sa edad na 116
.jpg)
Photo from tvn24.pl
5/3/25, 6:33 AM
Ni Samantha Faith Flores
Pumanaw na si Brazilian Sister Inah Canabarro Lucas, ang Katolikong madre na kinalala bilang pinakamatandang nilalang sa mundo sa edad na 116.
Kinumpirma noong Huwebes lamang ang pagkamatay ni Lucas noong Abril 30 (Miyerkules) sa kanyang tinitirhan sa Porto Alegre, Rio Grande do Sul, Brazil.
Lagpas apat na buwan din hinawakan ni Sister Inah ang titulo bilang pinakamatandang nilalang. Subalit hindi na niya inabot ang kanyan ika-117 kaarawan sa darating ng Hunyo 8.
Ang Teresian nun na mahilig sa soccer ay kinilalang pinaka matanda matapos na pumanaw si Tomiko Itooka ng Japan noong katapusan ng Disyembre 29, 2024.
Isang tapat na alagad ng Diyos, binendisyunan si Sister Inah ni Pope Francis noong kaniyang ika-110 kaarawan. Nauna nang pumanaw ang pontiff siyam na araw bago mamatay ang madre.
Nagsimula ang buhay ni Sister Inah bilang madre sa edad ng 16 lamang.
“Taimtim na pananampalatayang Katoliko lamang,” ito ang automatic na sagot ng super centenarian kapag tinatanong ang sikreto niya sa mahabang buhay.
“Ang Diyos ang sikreto ko sa mahabang buhay. Siya ang lihim ng lahat,” palilwanag niya.
Sister Inah ang ika-20 tao na naitala sa kasaysayan bilang pinaka-matanda sa mundo, simula nang mag-tala ang Guiness Book of World Records.
Habang namumuhay bilang isang madre si Sister Inah, nagtrabaho rin siya bilang professor at kalihim sa Santana do Livramente.
Bagamat nilaan niya ang oras sa pagdarasal at pagtulong sa mga nangangailangan, hindi naman nagpabaya ang madre sa pag-liliwaliw. Siya ay mahilig manoo ng soccer at fan ng Sport Club Internacional.
Ang Japan ay nangungunang may pinakamaraming nagkaka-edad na tao sa mundo. Sa pagpanaw ni Lola Tomiko, siya ay hinalilihan ni 115-anyos na si Okagi Hayashi, isa ring babae mula sa Gifu Prefecture, bilang pinakamatanda sa kanilang bansa.
Si Sister Inah ang pangalawa sa naitalang madre na kinilala bilang pinakatamatanda sa mundo.
Nauna sa kanya si Sister Lucile Randon o Sister Andre of France, na namatay noong Enero 2023 sa edad na 118 anyos at 340 araw.
