BALITANG SENIOR
Bakit masarap tumanda sa Taguig City?

11/4/24, 5:28 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Naging malaking katanungan ito matapos mapag-alaman sa nakararaming mga senior citizens kung paano sila ini-spoil ng pamahalaang lungsod ng Taguig City.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Mayor Lani Cayetano, maybahay ni Senador Alan Peter Cayetano, ang Taguig City na yata ang nagbibigay ng pinakaraming benepisyo para sa kapakanan ng mga nakatatanda.
Bukod dito, ipinaseseguro ng Cayetano administration ang pagbigay halaga sa pamilya at sosyal na pamumuhay, relihiyon at pananampalataya at pati na rin ang proteksyon ng karapatan sa ilalim ng batas ng mga seniors.
Ito ay napatunayan sa renewal of marriage vows na isinagawa ng siyudad bilang isa sa mga programa sa selebrasyon ng Elderly Filipino Week nitong nakaraang Oktubre.
May 19 na mag-asawang mga seniors ang nagdiwang ng kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng renewal of vows na isinagawa sa Taguig Convention Center.
Kinilala ni Mayor Cayetano ang matibay na pagsasamahan ng mga mag-asawa na umabot na sa 50 taon at higit pa.
“Karangalan ko po bilang Mayor ng Taguig na maging bahagi ng inyong buhay pag-ibig at pagpapanariwa ng tipan o renewal of vows. Masaya po ang puso ko dahil bawat isa sa inyo na nandirito ngayon ay inspirasyon po para sa ming lahat na Taguigeño,” sinabi ni Cayetano.
Ano-ano pa ang natatamasa ng mga senior citizens sa Taguig City at bakit nais ng mga Taguigeño na dito na sila tumanda:
- PHP3,000 hanggang PHP10,000 birthday cash gift sa nagdiriwang ng kani-kanilang kaarawan mula 60 anyos hanggang higit sa 100 anyos ayon sa City Ordinance NO. 25 series of 2017;
-PHP100,000 birthday cash gift para sa mga nagdiriwang ng ika-100 kaarawan o mga centenarian. Tatanggap din sila ng ganitong halaga sa bawat taon ng kanilang kaarawan matapos ang ika-100;
-Libreng panonood ng sine sa mga piling cinema sang-ayon sa takdang iskedyul;
- Buwanang allowance para sa mga opisyales ng senior citizens Ang pangulo ay tatanggap ng PHP 3,000 habang ang iba pang mga officers ay PHP1,000 kada buwan ang matatanggap.
-Buwanang allowance para sa mga opisyal ng Veterans Affairs Offices. Ang District President ay tatanggap ng PHP7,000 bawat buwan;District Vice President- PHP6,500; District Secretary - PHP6,000 at personnel - PHP1,500;
-Access sa Center for the Elderly na nagbibigay ng mga pasilidad para sa rest and relaxation ng mga senior citizens;
-Pagsasakatuparan ng Geriatric Program para sa kalusugan ng mga senior citizens. Sa tulong ng St. Luke’s Medical Center-BGC, maaaring magpakonsulta ang mga nakatatanda para sa kalusugan ng kanilang memorya, paningin at pandinig at iba pang mga health concern.
