BALITANG SENIOR
Babaeng senior citizen nalunod sa malaking pag-alon ng ilog sa Davao City

Photo from philstar.com
2/4/25, 11:56 AM
Ni Jennifer Bondoc
Wala nang buhay ang isang babaeng senior citizens nang matagpuan sa isang ilog sa Davao City, ayon sa report ng pulisya nitong Martes (Peb. 4).
Sa isinagawang imbestigasyon ng Davao City police, kinilala ang biktima na si Conchita Kiya Masayaw, 60, residente ng Purok 10 Homelot, Barangay Lampianao, Calinan, Davao City.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, huling nakita si Conchita habang naliligo sa sapa noong hapon ng Enero 31.
Nawala ang biktima nang sa hindi inaasahang pangyayari ay bigla na lamang lumaki ang tubig sa ilog.
Hindi agad natagpuan ang kanyang katawan hanggang sa dumating ang rescue team ng Barangay Callawa.
Matapos ang ilang oras, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa batuhang parte ng ilog.
Dinala ang mga labi ng senior citizen sa Angel Funeral Homes sa Calinan.
