top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

BALITANG SENIOR

Aquino-Magsaysay: Lumaki na ang pag-asang maisabatas ang Universal Social Pension bill

8/1/25, 10:07 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Nabigyan ng malaking pag-asa ang milyon-milyong senior citizens na umaasang maisabatas ang Universal Social Pension Bill matapos na maihalal si Senador Erwin Tulfo bilang tagapangulo ng Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.

Ito ay napag-alaman mula kay United Senior Citizens Rep. Mila Aquino-Magsaysay na nagpahayag na ang USP bill ay patuloy na nasa prayoridad ng kanyang legislative agenda para sa 20th Congress.

Sa General Assembly ng United Senior Citizens Associations ng Quezon City, ibinalita ni Aquino-Magsaysay na sa tulong ng liderato ni Speaker Martin Romualdez madali nang maipapasa sa Kamara de Representante ang USP bill.

Ang USP ay naglalayong magkaloob ng PhP500 buwanang pensyon sa tinatayang 12 milyong Filipino senior citizens bilang tulong pinansyal na pambili ng mga mahahalagang pangangailangan tulad ng gamot at pagkain.

“Magandang balita sa lahat ng senior citizens sa bansa. Ang kaibigan kong si Senador Erwin Tulfo ang hinirang na committee chairman ng lupon na mag-aapruba ng universal pension bill sa Senado!” deklarasyon ni Aquino-Magsaysay na lubhang ikinatuwa ng mga 200 pangulo ng mga senior citizens organizations sa QC.

Ayon sa nagbabalik na kongresista, suportado ni Tulfo ang USP kahit pa noong siya ay miyembro pa lamang ng Mababang Kapulungan.

Hindi maitago ang tuwa ng mga senior citizens na nadismaya nang hindi kilusan ni Sen. Imee Marcos ang USP bill na inihain sa social justice and welfare panel na kanyang pinamunuan noong nakaraang 19th Congress.

Si Aquino-Magsaysay ang isa sa mga principal author ng nasabing panukalang batas na ipinasa sa Kamara noong Mayo 26, 2024.

Dahil sa hindi nagpatawag ng anumang committee hearing si Marcos upang mapag-usapan ang bill, nabinbin na lamang ito sa Senado at hindi na naging batas sa ilalim ng 19th Congress.

“Ngayon pa lamang ay pinasasalamatan na namin si Sen. Tulfo at Rep. Aquino-Magsaysay dahil alam namin na hindi nila pababayaan ang mga senior citizens,” pahayag ni Rhodora Bohol, pangulo ng USCA-QC.

Ikinatuwa rin ni USCA-District 3 president Goodie Esguerra ang pahayag ni Aquino-Magsaysay.

“Ipinagpapasalamat namin sa Diyos na muling nahalal si Maam Mila sa Kongreso. Sa ipinakikita niyang sinseridad at sipag sa pagtulong sa nakatatandang Pilipino, dapat lamang na manatili siya sa Kongreso,” diin ni Esguerra.


Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page