BALITANG SENIOR
Apat na senior citizens tinangay ng rumaragasang tubig baha; isa patay, isa nawawala

Photo from brigada.ph
12/3/24, 7:53 AM
NAGA CITY - Patay ang isa sa apat na senior citizens matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa Camarines Sur nitong Linggo (Disyembre 1).
Isa sa mga biktima ang pinaghahanap pa at dalawa naman ang nakaligtas matapos na maiahon ng mga concerned citizens sa munisipyo ng Cabusao.
Natagpuan noong Lunes ang bangkay ni Jessie de los Santos, ayon sa pulisya. Ngunit hindi pa mahanap si Jun Grimploma na sabay ni Jessie na matangay ng rumaragasang tubi sa may bandang Barangay Biong, Cabusao.
Nakaligtas naman sina Ernesto Garcia at Ronnie Presbitero nang agad silang matulungan ng mga concerned citizens.
Nangyari ang insidente sa bandang Barangay Biong bandang alas-5 ng umaga. Papunta sana sa simbahan ang apat na biktima.
Ayon sa impormasyon mula sa pulisya nakasakay ang apat na nakatatandang kalalakihan sa isang e-trike nang madala ang kanilang sasakyan ng malakas na agos ng tubig.
Tumilapon ang apat nang madala ng malakas na agos ng tubig ang sinasakyan nila.
Ayon kay Jose Reyes IV, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, na ligtas na na-rescue ng mga residente ng barangay sina Garcia at Presbitero.
Subalit malayo umano ang inabot nina Grimploma at De los Santos. Natagpuang patay na si De Los Santos.
