BALITANG SENIOR
Alamin ang plataporma ng mga Manila mayoralty candidate's para sa senior citizens

5/8/25, 10:09 AM
Dahil sa lubhang mahalaga umano sa kanila ang kapakanan ng mga nakatatandang Pilipino, nangako ang apat na kandidato bilang alkalde ng Maynila ng iba’t-ibang programa para sa kanila.
Inaanyayahan namin ang mga kapwa senior citizens sa pangunahing lungsod ng bansa na basahin ang mga pangakong programa ng mga kandidato nila. Dapat din nilang isipin mabuti kung may kakayahan ang mga kandidato na ipatupad ang mga ito.
MAYOR HONEY LACUNA -sa halip na birthday cake bilang regalo sa kaarawan ng isang senior citizen, cash gift ang ipagkakaloob nito sa kanyang pamamahala ng lungsod.
Bukod dito, itutuloy ni Mayor Lacuna ang programa para makapag-trabaho pa ang mga senior citizens na kaya pang maghanap-buhay.
DATING MAYOR ISKO MORENO - Hindi lamang birthday cake ang ipagkakaloob sa kaarawan ng senior citizen. Sasamahan pa niya ng regalong isang sakong bigas at gatas para pampasigla ng kalusugan ng mga nakatatanda.
Inaasahan din na itutuloy o daragdagan pa ni Moreno ang cash aid na PhP 500 klada buwan na dati na niyang ibinigay sa mga nakatatandang Manileño.
MICHAEL SAY - Sa cash aid; program ni Michael Say, ibibigay ng kanyang administrasyon ang halagang PhP3,000 para sa mga higit na nangangailangang senior citizens; PhP2,000 para sa hindi masyadong hikahos at PhP1,000 para sa hindi mahirap.
Bawat senior citizen ay tatanggap ng privilege card na magbibigay sa kanya ng iba’t-ibang serbisyo, kasama ang medical benefits.
Ayon sa kanya, itatayo rin ang Bahay Kanlungan na mangangalaga sa mga homeless at jobless seniors at persons with disabilities.
SAMUEL VERZOSA JR. - Nais ng kasalukuyang kongresista na magpamigay ng buwanang PhP2,000 sa mga nakatatanda. Itatayo rin niya ang isang Senior Citizens Hospital na mangangalaga ng pangangailangan medikal ng mga matatanda.
