BALITANG SENIOR
95-anyos dating sundalo nais mamatay sa North Korea; hindi pinayagan ng South Korea

Photo from edition.cnn.com
8/20/25, 12:23 PM
PAJU, South Korea - Laman ng balita ang pagnanais ng isang 95-anyos na sundalong North Korean na nais bumalik at mamatay sa kabilang panig ng bansang pinaghiwalay ng paniniwalang pulitikal.
Si Ahn Hak-sop ay naging bihag at nakulong ng deka-dekada dahil sa pag-ayaw na talikuran ang kanyang paniniwala bilang North Korean.
Malaking bahagi ng kanyang buhay ay inilaan ni Ahn upang tanggihan ang tinatawag niyang American “occupation” ng South Korea. Naging sundalo siya ng North Korean army at naging disidente sa bansang bumihag sa kanya.
Dahil sa matibay na paninindigan na manatiling komunista at tagasuporta ng North Korea, umabot sa apat na dekadang nakulong si Ahn.
Nakalabas na siya sa bilangguan ngunit malaki na ang itinanda niya. Mahina na siya at naniniwalang malapit na ang kanyang kamatayan.
Wheelchair bound na, patuloy pa rin nakikiusap ang nonagenarian na pahintulutan siyang mamatay sa North Korea sa tabi ng mga pumanaw nang mga kasama niya sa digmaan.
Noong Miyerkules, nagtungo si Ahn sa tulay malapit sa boundary ng dalawang bansa at patuloy na nagmakaawang pahintulang tumawid sa kabila ng Demilitarized Zone upang makapasok sa North Korea.
Ngunit sa gitna ng kanyang pakiusap, hindi pa rin siya pinahintulutan ng mga South Korean army na tumawid.
Ayon sa pamahalaan ng South Korea, ipinagbabawal ang pakikipagugnayan ng sinuman sa North Korea at hindi rin maaari silang pumasok sa DMZ.
Nagkahiwalay ang dalawang bansa matapos ang Korean War noong 1950 hanggang 1953.
