top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

BALITANG SENIOR

76-anyos na lolang wagi sa Boston Marathon atbp: May mga sikretong ibinunyag

Photo from sportsmasters.com

6/2/25, 6:36 AM

Ni Raselle Joyce Flores

Sino ang hindi mamamangha sa tuwa para sa isang 76 anyos na babaeng senior citizen na nakasungkit ng korona bilang pinakamatibay at pinakamabilis na septuagenarian (75-79) sa prestihiyosong 129th Boston Marathon?

Nilagpasan ni Jeannie Rice ang world women's record na may saklaw sa grupong may edad 75-79 taon sa loob lamang ng 4 oras, 27 minuto at 17 segundo sa nasabing karera na pinapangarap salihan ng milyon-milyong runners sa mundo.

Tinalo niya sa kategorya ang lahat ng kalalakihang sumali sa Boston Marathon. Karamihan sa mga nabigo ay tumigil na lamang ng halos lawit ang dila.

Bagamat bumagal na ng halos isang oras ang takbo ni Rice, kumpara sa 3:33:15 na itinala nito noong isang taon sa Boston, hindi pa rin nabawasan ang paghanga na tinamasa ng senior citizen sa kanyang pagkapanalo.

Una siyang nakilala nang magwagi sa 2018 Chicago Marathon sa record-breaking na 3:27:50. Siya ay 70 anyos noon.

Sa Boston rin nakamit ni Rice ang kanyang ikaanim na Star Medal. Pinakilala ng Abbott World Marathon Majors ang Six Star medal bilang pagkilala sa mga mananakbo na natapos ang orihinal na anim na pangunahing marathons. Ito ay binubuo ng Boston, Chicago, London, Berlin, New York at Tokyo.

Lola ng dalawang teen-ager, si Rice ay isang South Korean-American at retiradong real estate agent mula sa Naples, Florida.

Nag-umpisa siyang tumakbo sa edad na 35 para mabawasan ang kanyang timbang galing sa bakasyon. Sumali siya sa kanyang unang marathon sa Cleveland at natapos ang kanyang karera sa loob ng 3 oras, 45 minuto ng walang gaanong seryosong pagsasanay. Sa kanyang 42 taon na pagsali sa mga karerang pantakbo, 134 marathons na ang kanyang natapos.

Ano nga ba ang mga sikreto ni Lola Jeannie at tila taglay niya ang katawan na bakal?

Bukod sa kanyang pilosopiyang 3D at tamang intake ng nakalulusog na pagkain, nagtakda rin si Rice ng inspirasyon sa katauhan ni Joan Benoit Samuelson, isang gold medalist sa marathon noong 1984 Olympics.

Hinangaan ni Lola Jeannie ang determinasyon na ipinakita ni Samuelson upang magwagi sa world marathon.

Payo ni Rice sa mga nagnanais na magkaroon ng matatag na muscles at mga buto; matibay na mga baga at puso ng kampeon, dapat din nilang sundin ang kanyang 3Ds: DEDICATION, DISCIPLINE AND DETERMNINATION.

“I’m still healthy, i love moving and I believe age is just a number. You’ve got to keep going and keep doing what you love,” paliwanag niya.

Tama rin, ayon sa kanya, ang mag-set ng “personal goals” at piliting abutin ito.

Noong unang taon niya bilang ahente ng mga bahay, nakamit ni Rice ang personal goal na makapaglako ng maraming real estate units. Nasungkit niya ang pangarap sapagkat 27 bahay ang naitinda niya sa taong iyon.

“I feel as young as when I was 50, and I’d like to be doing this well into my 80’s. That’s my personal goal,” sinabi ng elderly marathoner.

Hindi rin siya bumibitaw sa social life at madala pa rin siyang magtungo sa mga dance hall.

Katunayan ng kanyang malakas na na pangangatawan ang pagtala niya ng mataas na VO2 max o maximum oxygen uptake - isang paraan ng pagsukat ng aerobic fitness. Ang kanyang record ay pinakamataas sa mga kababaihang higit sa 75 anyos ang edad.

Sa pagkain naman, ito ang kanyang payo: dalasan ang pagkain ng mga salad, fresh vegetables, kanin, isda at nuts

Dapat naman iwasan ang mga piniritong pagkain at mga sweets na sobrang tamis, ayon kay Lola Jeannie.

“Breakfast is usually oatmeal with fruit and nuts. At lunch and dinner, I enjoy a green salad with some sort of seafood or fish on top,” ayon sa kanya.


Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page