BALITANG SENIOR
75-anyos na lalaki sa Taytay pinagtutubo ng naka-alitan, patay

1/18/25, 10:02 AM
Walang awang pinaghahataw ng kapitbahay ang isang 75-anyos na matandang lalaki na namatay din matapos ang pangyayari sa Taytay, Rizal kamakailan lamang.
Nabasag umano ang bungo ni Domingo Canape, isang retiradong rider lineman ng Meralco, nang paghahampasin siya ng tubong bakal ng salarin.
Isang alyas Romy ang dinakip ng pulisya ilan sandali matapos ang krimen na nangyari sa harapan ng bahay ni Canape sa Hebrew street, Barangay Sta. Ana, Taytay bandang 4:30 ng madaling araw noong Enero 17.
Ayon sa saksi, nasa labas lamang ng kanyang bahay ang biktima nang bigla na lamang ito nilusob ng suspek na isang basurero.
Armado ng tubo, hinataw ng suspek si Canape sa noo ng ilang beses. Natumba sa kalsada ang biktima ay namatay agad.
Napag-alaman ng mga imbestigador na matagal nang may samaan ng loob ang dalawa.
Ilang araw na nakakalipas, hinarap umano ni Canape si Romy upang komprontahin tungkol sa mga basurang itinambak sa harapan ng kanyang bahay. Kasama sa mga itinapon sa tapat ng bahay ni Canape ang isang patay na pusa.
Minsan, sinugod ni Romy si Canape at hinamon na lumabas upang magsakitan sila.
Nahaharap sa kasong murder ang umano’y salarin dahil sa pa-traydor na pagpatay nito sa senior citizen.
