BALITANG SENIOR
72 anyos na lola pinatay dahil sa pagtatalo sa PHP13 libong utang

Photo from daijiworld.com
1/16/25, 8:25 AM
Ni Samantha Faith Flores
Dahil sa pagtatalo sa PHP13,000 na utang, isang 72 anyos na biyuda ang sinaksak at napatay sa bayan ng Aguilar, Pangasinan noong Miyerkules (Enero 15), ayon sa report ng pulisya kahapon.
Ang biktima ay kinalalang si Lydia Melendez Soriano na nakatira sa Barangay Panacol kung saan nangyari ang insidente.
Pinaghahanap ng pulisya si Ron-ron Almonte Veloria, residente ng Barangay San Gabriel, Bayambang na umano’y salarin.
Batay sa testimonya ni Agnes De Guzman, testigo sa insidente, narinig niyang nagtatalo sa loob ng bahay ng bikitima sina Soriano at Veloria tungkol sa pagkakautang ng huli sa septuagenarian.
Umalis siya sumandali ngunit nang bumalik siya sa bahay ni Soriano natagpuan niyang duguan at wala nang malay ang biktima.
Naabutan din ni De Guzman ang suspek habang pasakay ito sa isang tricycle na lumisan sa lugar ng krimen.
Naitakbo pa sa ospital ang matandang babae ngunit nadeklara itong dead on arrival.
Ayon sa mga pulis ang biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ang kitchen knife na ginamit sa pagpatay kay Soriano ay natagpuan ng mga imbestigador sa crime scene.
Kasalukuyang pinaghahanap si Veloria ng mga pulis.
