BALITANG SENIOR
63-anyos na lolo wagi sa 2 quadrathlon world championships

1/14/25, 3:49 PM
Isang lolo mula sa isang retirement village sa Bristol, South West England ang naging world champion sa quadrathlon sa Middle Distance at Long Course para sa kanyang age group.
Wagi si Jules Taylor sa parehong Middle Distance Quadrathlon World Championship at Long Course Quadrathlon World Championship sa kategoryang over 60s, at naging natatangi ang kanyang tagumpay dahil sa dalawang titulong ito.
Ang mga quadrathlete ay lumalahok sa apat na sports: swimming, cycling, running, at kayaking.
Sa 2024 Middle Distance Quadrathlon World Championship, natapos ni Jules ang 1.5km swim, 30km bike, 7km kayak, at 9.3km run sa loob ng 2 oras at 51 minuto.
Mas pinalawig pa niya ang kanyang kakayahan sa 2024 Long Course Quadrathlon World Championship kung saan natapos niya ang 2.6km swim, 20km kayak, 62km bike, at 21.1km run sa loob ng 6 oras at 59 minuto.
"It had been years since I did a long-distance event and combined with the 35-degree heat, it was very challenging," saad ni Jules.
"I’ve always enjoyed sport and it’s how I measure myself. If I’m doing well at something it puts me in good place," dagdag niya pa.
Ibinahagi rin ni Jules na mahalaga sa kanya ang sports bilang sukatan ng sarili niyang kakayahan.
Nagsimula lamang lumahok si Jules sa quadrathlons noong 2022 ngunit dati na siyang sumali sa half-marathons, marathons, triathlons, ultra-distance kayaking, 24-hour ultra running, at Ironman events.
Bukod sa kanyang mga world championship titles, itinanghal din siyang Overall National Champion at Overall National Trophy Series Champion noong 2024 kung saan tinalo niya ang mga quadrathlete na kalahati ng kanyang edad.
Si Jules ay sinusuportahan ng Bristol-based charity na St. Monica Trust kung saan nagtatrabaho siya bilang porter sa Westbury Fields Retirement Village.
Dati siyang personal quadrathlon trainer bago ang Covid-19 lockdowns. #
