BALITANG SENIOR
60-anyos na lolo sa Quezon Province nagpabilib sa unicycling

Photo courtesy of Librado Bastida/Facebook
4/6/24, 2:49 PM
Isang lolo sa Candelaria, Quezon Province ang nagpapabilib sa publiko dahil sa kanyang unicycling skills o pagmamaneho ng bisekleta na mayroon lamang isang gulong.
Kinilala ng "24 Oras" ng GMA-7 ang lalaki na si Librado Bastida, na ayon sa ulat ay natutong magpatakbo ng unicycle noong siya ay 30-taong-gulang.
"Tinuruan po ako ng aking informant. Pinahiram sa'kin yung kanyang unicycle," sabi ni Bastida sa ulat.
Sa kabila ng kanyang edad, nagtatrabaho si Bastida bilang tricycle driver sa kanilang bayan.
Ginagamit niya ang unicycle habang naghihintay ng mga pasahero.
"Naglalaro laro po ako nag-iikot ako sa bayan 'pag wala ako pasahero," saad niya.
Umani ng papuri si Bastida sa social media dahil sa kanyang angking husay. Mayroon na siyang higit 34,000 followers sa Facebook.
Ang unicycle ay kadalasang ginagamit sa pagsasanay sa sirkus at street performance, ngunit mayroon ding mga taong gumagamit nito para sa transportasyon o para sa pagsasanay sa kanilang kasanayan sa pagbibisikleta.
