BALITANG SENIOR
116-anyos Katolikong madre humalili sa pumanaw ng Haponesa bilang pinakamatanda sa mundo

1/7/25, 6:19 AM
Ni Samantha Faith Flores
Isang Katolikong madre mula sa Brazil ang tumatayo ngayon pinakamatandang tao sa mundo matapos na pumanaw si ang 116-anyos na si Tomiko Itooka nitong Disyembre 29.
Si Sister Inah Canabarro Lucas ay 116 anyos din ngunit si Itooka ang kinilala ng Guiness World Records at Gerontology Research Group bilang “Oldest Person in the World” bago namatay ang Haponesa noong isang buwan lamang.
Ipinanganak si Lola Tomiko noong Mayo 23, 1908 at matanda lamang ng 16 na araw kay Sister Inah na ipinanganak noong Hunyo 8, 1908.
Nagbago rin ang record sa pinakamatandang lalaki sa mundo noong Nobyembre 25, 2024 lamang nang pumanaw si 112-anyos John Tinniswood ng United Kingdom.
Humalili kay Tinniswood ang isa ring tubong Brazil na si Joao Marinho Neto na isang dating magbababoy at 112 anyos din na tulad ni Tinniswood.
Lumalabas na parehong Brazilian ang kinikilala ngayon pinakamatandang babae at lalaki sa mundo -sina Sister Inah at Joao.
Inanunsyo ang kamatayan ni Tomiko nitong Sabado (Enero 4) lamang ng lokal na pamahalaan ng Ashiya City kung saan siya naninirahan bago pumanaw.
Ayon kay Yoshikitsugu Nagata, pinuno ng elderly policies office ng Ashiya, namatay si Tomiko sa isang carehome sa Ashiya noong Disyembre 29.
Paborito ni Itooka ang saging at yogurt flavored Japanese drink na tinatawag na Calpis.
Si Lola Tomiko ang humalili kay 117 anyos Maria Branyas noong mamatay ang huli sa edad na 117.
Isang mahinhing “thank you” lamang ang naging sagot ni Lola Tomiko nang sabihan ito na siya na ang pinakamatandang tao sa mundo ayon sa World Supercentenarian Rankings List.
Ang selebrasyon ng ika-116 na kaarawan ng Haponesa ang pinakamasaya na sa kanyang buhay. Nakatanggap siya ng mga bulaklak, isang cake at birthday card sa mayor ng Ishiya.
Ipinanganak sa Osaka,, isang volleyball player si Itooka noong high school at kilala sa kanyang pagiging aktibo at masayahin. Dalawang beses niyang inakyat ang tukbok ng Mount Ontake na isa sa pinakamataas na bundok sa Japan na may taas na 3,067 meters.
Nag-asawa si Lola Tomiko sa edad na 20 at nagkaroon ng dalawang anak na babae at dalawang anak na lalaki.
Pinamahalaan niya ang opisina ng asawa na mayroon textile factory noong World War II. Namatay ang kanyang asawa noong 1979.
Sa apat na anak, dalawa na lamang ang buhay. Lima lamang ang kanyang mga naging apo na pawang mga lolo at lola na rin ngayon.
