

SCIENCE AND MEDICINE
Mga dapat malaman ukol sa tuberkulosis: Ano ang TB at paano ito maiiwasan?

3/18/24, 6:19 AM
Ni MJ BLANCAFLOR
Humigit-kumulang 10.6 milyong tao sa buong mundo ang tinamaan ng tuberkulosis noong 2021. Ngayong ipinagdiriwang ang World Tuberculosis (TB) Day, alamin kung ano ito, bakit ito nakahahawa, at paano ito maiiwasan. Basahin dito.
Ano ang tuberkulosis?
Ang TB ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng isang bacteria na kung tawagin ay Mycobacterium tuberculosis. Partikular itong nakakaapekto sa baga at iba't ibang bahagi ng katawan tulad ng utak, bato, at buto.
May dalawang uri ng sakit na ito. Ang unang klase ng tuberkulosis ay pulmonary TB. Ito ang uri ng TB na kadalasang nakakaapekto sa baga.
Ang mga taong may pulmonary TB ay maaring magkaroon ng sintomas tulad ng matagal na ubo, paninikip sa dibdib, at paninilaw o pagkukulay puti ng mata at balat.
Samantala, ang ikalawang uri naman nito ay extra-pulmonary TB na nakakaapekto sa iba't ibang bahagi ng katawan maliban sa mga baga. Ang mga sintomas ng extra-pulmonary TB ay depende sa bahagi ng katawan na apektado.
Kabilang sa mga sintomas ng TB ay ang panlalamig, pagbaba ng timbang, panlalabo ng paningin, panghihina, pagtatae, at pag-ubo ng dugo.
Sinumang nakararanas ng mga nasabing kondisyon ay dapat na magpakonsulta sa doktor.
Paano kumakalat ang tuberkulosis?
Kumakalat ang bacteria sa pamamagitan ng hangin. Kapag ang isang taong may TB ay nagsasalita, umuubo, o bumabahing, nailalabas niya ang mga bacteria sa hangin sa pamamagitan ng mga respiratory droplets.
Maaaring mahawa ang sinumang makalalanghap ng mga nasabing droplet.
Paano nade-detect ang tuberkulosis?
Para ma-diagnose ang isang tao, kinakailangan niyang dumaan sa ilang diagnostic test tulad chest X-ray, skin test (Mantoux test), at mga laboratoryong pagsusuri ng dugo.
Kapag natuklasan na may TB ang isang tao, agad na magpatingin sa doktor. Inaasahang magrereseta ito ng mga gamot.
Mahalaga ang tamang gamutan para mapadali ang paggaling ng pasyente at maiwasan na may mahawa pang iba.
Kung ang TB ay hindi ginagamot o hindi na-diagnose agad, ang taong nahawahan ay maaaring mamatay sa loob ng limang taon pagkatapos ng impeksyon.
Paano maiiwasan ang tuberkulosis?
Ang pinakamahalagang hakbang para maiwasan ang TB ay ang pagpapabakuna at ang pag-iingat sa sariling kalusugan.
Mas mababa ang tsansa na dapuan ng TB kapag malakas ang immune system ng isang tao.
Bukod dito, mahalaga rin ang malinis na kapaligiran at disiplina sa pag-iwas sa mga pagkakataon ng paghahawaan.
Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at kamalayan tungkol sa TB, mas may pagkakataon ang publiko na iwasan ang pagkakaroon o hawaan ng TB para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat.