

SCIENCE AND MEDICINE
Makakalimutin? Alamin ang mga simpleng paraan upang tumalas ang memorya

6/14/25, 12:34 PM
Ni Raselle Joyce Flores
Madalas mo bang maranasan ang makalimot sa mga importanteng petsa tulad kaarawan ng iyong mahal sa buhay? Baka naman ang biglaang pagkalimot sa paglapag ng isang gamit sa loob ng iyong tahanan?
Huwag kang mag-alala. Hindi ito sensyales ng katandaan at ito ay karaniwang nangyayari sa halos lahat ng tao, bata man o matanda.
Mahirap magawang tandaan ang iba't ibang uri ng impormasyon kung sa bawat minuto ay binabaha tayo ng napakaraming datos—lalo na sa panahon ngayon, kung saan ang pagkuha ng impormasyon ay kasing dali na lamang ng isang pindot sa ating mga daliri.
Ang ating utak ay hindi idinisenyo upang panatilihin ang napakaraming impormasyon kaya't nahihirapan tayong mag-focus at mag-imbak ng mga detalye. Ang ating mga gawi din sa pang araw-araw kayaga ng sabay-sabay na paggawa ng iba't ibang bagay at palagiang pagkaabala ay sanhi ng multi-tasking na nagdudulot ng putol-putol na alaala.
May mga simpleng paraan para tumalas ang ating memorya. Sundin lamang ang mga ito:
1. PAG-UUGNAY: Maari mong iugnay ang gusto mong maalala sa mga bagay na may importansya sa iyo. Halimbawa na lamang ay kailangan mong tandaan ang pag-inom ng iyong maintenance na gamot tuwing alas-otso ng umaga, maari mo itong maiugnay sa isang mahalagang bahagi ng iyong araw kagaya na lamang ng panonood ng iyong paboritong balita sa telebisyon sa pareho na oras tuwing alas-otso din ng umaga.
2. TRIAL AND ERROR: Gamitin ang "Trial and Error". Huwag kang matakot na magkamali. Dahil ito ay susi upang mas tumalas ang iyong memorya. Kung ikaw ay may gustong tandaan na bagong impormasyon tulad na lamang ng pangalan ng iyong apo, pwede mong subukan na hulaan kung ano ang pangalan niya, at kapag ikaw at nagkamali at iyong nalaman ang totoong pangalan ng iyong apo, mas malaki ang tyansa na tumatak ito sa iyong isipan dahil sa naalala ng iyong utak na ikaw ay nagkamali sa paghula nito.
3. PALATANDAAN: Gawin itong mas makabuluhan. Mas madali tayong nakakaalala kung may isang partikular na bagay na mangingibabaw. Halimbawa, gusto mong matandaan kung saan mo nailapag ang iyong susi sa kotse. Ginamit mong palatandaan na ito ay iyong nilapag sa ibabaw ng aparador katabi ng paboritong halaman ng iyong asawa. Dahil sa ginamitan mo ito ng palatandaan, mas madali mo nang maaalala ang mga bagay-bagay.
4. IUGNAY SA KARANASAN: Kaya nating tandaan ang mga memorya sa mga pangyayari na mahalaga sa atin lalo na kung ito ay may kaakibat na takot, o ikaw ay napahiya o naranasan mo ang isang pangyayari na labis na nagbigay sa iyo ng kasiyahan. Naglalabas ang ating utak ng mga kemikal tulad ng dopamine, noradrenaline o serotonin na makakatulong sa pag tibay ng ating mga naranasan sa ating memorya.
5. MGA LUGAR AT BAGAY: Subukan mong iugnay ang isang bagay na gusto mong tandaan sa isang lugar sa bahay. Halimbawa: gusto mong tandaan ang grocery items? Imaginin mong nakapatong ang gatas sa sofa, ang tinapay sa ibabaw ng TV. Nakakatuwa man, pero ito ay epektibo.
Normal lang ang makalimot. Ang mahalaga, ginagawa natin ang hakbang para maalagaan ang ating isip. Hindi mo kailangang maging henyo para tumalas ang memorya—kailangan mo lang ng disiplina, practice, at konting focus araw-araw.
Ngayong alam mo na ang mga simpleng paraan na ito, subukan mong isama sa iyong routine. Malay mo, sa susunod na pagkakataon, maalala mo na agad kung saan mo nailagay ang cellphone mo