top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SCIENCE AND MEDICINE

DOH nagbabala kontra 'Holiday Heart Syndrome' ngayong Pasko, Bagong Taon

12/23/24, 7:26 AM

Bagamat handa ang mga ospital sa pagresponde sa mga may sakit ngayong Pasko at Bagong Taon, pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko sa mga sakit na may kaugnayan sa "Holiday Heart Syndrome" tulad ng stroke.

Ang "Holiday Heart Syndrome" ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon. Maaari itong humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa mga sanhi ng stroke.

Sa pahayag nitong Lunes, nagpaalala si DOH Secretary Teodoro Herbosa na kailangang manatiling malusog ang pangangatawan sa pamamagitan ng tamang nutrisyon, ehersisyo, at pahinga.

"Katulad ng pag-aalaga ninyo sa inyong mga kaanak, kami ay nagpapaalala na iwasan ang sobra sobrang pagkain ng mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain ngayong holiday season," anang kalihim.

"Damihan ang pagkain ng gulay at prutas na dapat ay kalahati ng inyong Pinggang Pinoy. Humanap po tayo ng oras na mag-ehersisyo," dagdag nito.

Sa tala ng DOH, daan-daang kaso ng stroke na rin ang naitala sa ilang ospital sa Metro Manila sa nakalipas na ilang buwan.

Nakapagtala na ng 60 kaso ng stroke ang Philippine Heart Center mula Hulyo hanggang Nobyembre. Pitong kaso naman ang naitala mula Disyembre 1-20.

Patuloy din ang pagtaas ng kaso ng stroke tuwing Disyembre mula 2020 hanggang 2023 sa Sa East Avenue Medical Center. Noong 2020, nakapagtala ito ng 188 na kaso; 226 noong 2021; 247 noong 2022; at 328 noong 2023.

Iniulat naman ng St. Luke’s Medical Center Quezon City na may 415 kaso ng stroke noong 2023, mas mataas kumpara sa 295 noong 2022. Ngayong taon, umabot na sa 339 ang stroke cases mula Enero hanggang Nobyembre.

Bukod pa ito sa pagtutok at tuloy-tuloy na operasyon ng mga ospital para sa Road at Fire Cracker Related Injuries na karaniwan nang binabantayan tuwing Pasko at Bagong Taon.

Nakasanayan pa man din ng mga Pilipino ang kabi-kabilang handaan at party kung saan hindi maiwasang kumain ng mamantika at matatabang pagkain pati na ang pag-inom ng alak.

Comments

Deine Meinung teilenJetzt den ersten Kommentar verfassen.
bottom of page