

SCIENCE AND MEDICINE
“Animal-source protein foods” hindi konektado pagtaas ng panganib ng kamatayan?
.webp)
8/30/25, 1:46 PM
Ni Samantha Faith Flores
Ang pagkain ng “animal-sourced protein foods” ay hindi konektado sa higit na mataas na panganib ng kamatayan, ayon sa bagong pananaliksik ng mga siyentipiko.
Sa halip, inilathala ng Science Daily na may naibibigay na proteksyon sa cancer-related mortality ang nasabing klase ng pagkain.
Ayon sa Science Daily nailathala sa Applied Physiology, Nutrition, and Metabolism ang sinuring datos na mula sa halos 16,000 na mga taong may edad 19 pataas gamit ang National Health and Nutrition Examination Survey (NHANES III).
Sinuri ng mga mananaliksik kung gaano karaming protina mula sa hayop at halaman ang karaniwang kinakain ng mga tao at kung may kaugnayan ba ito sa panganib ng pagkamatay dahil sa sakit sa puso, kanser, o anumang sanhi.
Natuklasan nilang walang mas mataas na panganib ng pagkamatay kahit na mas marami ang kinakaing protina mula sa hayop. Sa katunayan, lumabas sa datos ang bahagya ngunit makabuluhang pagbaba ng pagkamatay dahil sa kanser sa mga taong mas kumakain ng protina mula sa hayop.
“Maraming kalituhan tungkol sa protina – gaano karami ang dapat kainin, anong uri, at ano ang epekto nito sa pangmatagalang kalusugan. Nagbibigay-linaw ang pag-aaral na ito, na mahalaga para sa sinumang gustong gumawa ng matalinong desisyon batay sa ebidensya tungkol sa kanilang pagkain,” paliwanag ni Stuart Phillips, Propesor at Tagapangulo ng Department of Kinesiology sa McMaster University, na namahala sa pananaliksik.
Upang matiyak ang pagiging maaasahan ng resulta, gumamit ang grupo ng mga makabagong estadistikal na pamamaraan, kabilang ang National Cancer Institute (NCI) method at multivariate Markov Chain Monte Carlo (MCMC) modelling, upang tantiyahin ang pangmatagalang pagkain at mabawasan ang error sa pagsukat.
“Mahalagang gamitin namin ang pinakamahigpit at pinakamataas na pamantayang pamamaraan upang masuri ang karaniwang pagkain at panganib ng pagkamatay. Pinayagan kami ng mga metodolohiyang ito na isaalang-alang ang pagbabago-bago ng araw-araw na pagkain ng protina at magbigay ng mas tumpak na larawan ng pangmatagalang gawi sa pagkain,” dagdag pa ni Phillips.
Nakita rin ng mga mananaliksik na walang ugnayan ang kabuuang protina—maging ito’y mula sa hayop o halaman—sa panganib ng pagkamatay mula sa anumang sanhi, sakit sa puso, o kanser.
Kapag isinama sa pagsusuri ang parehong protina mula sa halaman at hayop, nanatiling pareho ang resulta, na nagpapahiwatig na maliit lamang ang epekto ng protina mula sa halaman sa panganib ng pagkamatay dahil sa kanser, habang maaaring magbigay naman ng kaunting proteksiyon ang protina mula sa hayop.
Bagaman hindi makapagpapatunay ng sanhi at epekto ang mga obserbasyonal na pag-aaral gaya nito, mahalaga pa rin ito sa pagtukoy ng mga pattern at kaugnayan sa malalaking populasyon. Kasama ng mga dekada ng ebidensya mula sa mga klinikal na pag-aaral, sinusuportahan ng mga natuklasan ang pagsasama ng protina mula sa hayop bilang bahagi ng malusog na diet.
