Viral: Rescued epileptic dog naging 'kahera' ng restaurant

1/22/25, 5:49 AM
Dinadayo ngayon ang isang restaurant sa San Jose, Nueva Ecija hindi lang dahil sa masarap na menu, kundi dahil sa cute na cute na rescued epileptic dog na nagsisilbing nitong kahera.
Umani ng libo-libong likes at shares sa Facebook ang larawan ni Popoy, na na-rescue ng may-ari ng Tikya Garden Bistro noong May 2024.
"Ipinapabatid sa publiko na ang aso sa larawan na ito na nagngangalang Alias 'POPOY' ay ang Bagong itinalagang 'GCASH-IER' sa TIKYA GARDEN BISTRO," saad ng restaurant. "Siya ay rescued epileptic dog ng restaurant at kalahating taon na siyang nagtratraining para umupo."
Tinawag na GCash-ier si Popoy dahil nakasabit sa collar niya ang QR code ng digital wallet ng restaurant. Pwedeng itong i-scan ng mga customer upang magbayad.
Kwento ng may-ari ng resto na si Jenny Ann Madriaga Chu, 41, sa Senior Times PH, natagpuan daw nila si Popoy bandang 9 p.m. sa ilalim ng isang tricycle na nakaparada malapit sa restaurant.
Matatagpuan ang Tikya Garden Bistro sa 283 Ben Saturno Avenue sa Barangay R. Eugenio.
Hindi raw maganda ang kalagayan noon ng aso, na wala pang dalawang buwan.
Ipinagtanong-tanong ni Jenny sa mga kapitbahay kung merong nawawalan ng aso, pero wala namang nag-claim sa kanya.
Matapos ang isang linggo ay nagdesisyon na si Jenny na ampunin ito at dalhin sa beterinaryo.
Sakitin daw si Popoy at may isang beses pa na nanigas ito at bumula ang bibig. Pero dahil sa pag-aalaga ni Jenny, malusog na ito ngayon at kinagigiliwan pa nga ng mga kustomer.
Noong una, wala raw plano si Jenny na payagan si Popoy sa restaurant lalo pa't hindi naman daw lahat ng customer sa kanilang lugar ay komportable sa aso.
Ngunit dahil madalas tahulan ni Popoy ang mga customer, isang beses ay naisipan nilang patambayin ang aso at payagan itong makihalubilo sa mga pumupunta roon.
"Good boy naman si Popoy at napakalambing," ani Jenny. "Gustong-gusto niya ng atensyon at malapit sa mga estudyante."
Upang hindi mapagkamalang stray dog, naisipan daw ng asawa ni Jenny na lagyan ng ID si Popoy.
Doon na naisip ni Jenny na QR code na lang ng kanilang digital wallet ang isabit sa tag nito upang hindi na rin magtanong ang mga customer kung tumatanggap sila ng digital payment.
Ngunit hindi naman daw ito nangangahulugan na pinagtatrabaho nila si Popoy sa resto.
"Usually sa gabi lang po at from 6 pm to 8:30 pm lang po kinakabit QR code niya. Tulog kasi siya sa umaga," sabi ni Jenny.
Matapos mag-viral sa Facebook, marami na ang nagme-message sa Facebook ng Tikya Garden Bistro at nagsasabing bibisitahin nila si Popoy.
Tuwang-tuwa naman si Jenny at marami ng nagmamahal sa kanyang furbaby. #
