

Tanaw na ang wagi ng Team Olivarez sa Parañaque City
%20(23).jpeg)
5/8/25, 9:20 AM
LUNGSOD PARAÑAQUE, Kalakhang Maynila — Kumbinsido ang marami na tapos na ang laban sa pagka-mayor at kongresista ng Parañaque, lalo na't inendorso na umano ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kandidatura ni outgoing mayor Eric Olivarez bilang kinatawan ng lungsod at incumbent congressman Edwin Olivarez bilang alkalde.
Sa bisperas ng halalan kagabi, may ulat mula sa isang INC source ang nagsabing kasamang inendorso ng lokal na pamunuan ng Iglesia ang magkapatid na Olivarez at ang kanilang mga konsehal na bumubuo ng Team Bagong Parañaque ngayon araw ng halalan.
Nagpatibay ang pag-endorsong ito sa kandidatura ng Team Olivarez na nauna nang tinambakan sa mga pre-election survey ang kanilang katunggali. Matatandaang sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Mayo, nakakuha ng mahigit 80 porsyento ng mga tinanong na botante ang sumuporta sa Team Bagong Parañaque habang mahigit 10 porsyento lamang ang nakuha ng pinakamalapit na karibal nito.
Ayon nga sa mga tagamasid sa lokal na politika sa lungsod ng Parañaque, ang pag-endorso ng Iglesia ni Cristo sa magkapatid na Olivarez at kanilang mga konsehal ang tila nagsarado nang tuluyan sa pangarap ng oposisyon na makasingit sa puwesto.
Wika nga ng isang Parañaqueño na naninirahan sa Tambo, imposible raw na masilat ang Team Olivarez dahil marami itong nagawang mga programa at proyektong pinakinabangan ng mamamayan kaya nararapat lamang na ipagpatuloy ng magkapatid ang kanilang magandang pagseserbisyo sa mga taga-Parañaque.
Una rito, sinabi ng magkapatid na Olivarez sa panayam ng PBN na "kailangan nilang magsilbi ng tapat dahil ito ang mandatong ipinagkaloob ng mamamayan kaya dapat nilang tuparin ang kanilang tungkulin ng walang kapaguran dahil marami ang umaasa sa tunay na paglilingkod mula sa mga opisyal ng pamahalaan."
"Tayo po ay tinitingala ng ating mga nasasakupan (kaya) kung mayroon man tayong dapat gawin ay huwag biguin ang mga umaasa sa atin at tiyakin na ang mamamayan ay mabibigyan ng oportunidad upang umunlad sa kanilang pamumuhay," idiniin ng magkapatid na naghalili sa puwesto bilang alkalde at kongresista.
Ayon naman sa kanilang mga tagasuporta, hindi na mahihirapang maglingkod ang Team Bagong Parañaque dahil na patunayan na nito ang kanilang kakayahan sa paninilbihan sa taongbayan sa mahabang panahon ng kanilang panunungkulan.
Bukod sa magkapatid na Olivarez, tumatakbo rin for reelection bilang konsehal ang anak ni 'Kuya Edwin' na si Pablo 'Paolo' Olivares II.
Bilang isang matagumpay na enhinyero, ang katukayo ng kanyang 'Lolo Pablo' ay isa ring matibay na sandigan ng mga Parañaqueño na wala ring sawa sa pagtulong sa kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng pagsulong ng mga mahahalaga't makabuluhang batas na magpapaunlad sa kanilang lungsod tungo sa magandang kinabukasan.
"Hindi pa po sapat ang aming mga nagawa. This time po, gusto kong tulungan ang bawat pamilya at kabataan sa aking distrito na matupad ang kanilang mga pangarap na magkaroon ng maganda at matatag na future, hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi sa susunod pang mga henerasyon," mariin nitong pinangako.