Security guard nagpakamatay matapos patayin mga musmos na anak
.jpg)
12/5/24, 11:13 AM
DUMAGUETE CITY, Negros Oriental - Pinatay ng isang security guard ang dalawang menor na edad na anak bago ito nagbaril sa sarili sa Negros Oriental nitong Huwebes (Disyembre 5) ng umaga.
Sa ulat ng Negros Oriental Police, napag-alaman na ang malagim na insidente ay nangyari sa Barangay Buntis, bayan ng Bacong nang ipaalam ng 30-anyos na suspek na ilalabas ang mga anak na babae, edad na tatlo at limang taon.
Hiwalay na ang mag-asawa at naninirahan sa magkaibang bahay.
Nang umayaw ang babae, nagalit ang suspek at dito na nagsimula ang mainitang pagtatalog ng mag-asawa.
Dahil umano sa galit, naglabas ng 9mm na pistola ang security guard at ito ay ipinutok sa asawa na nakaiwas at nakatakbo.
Lalong ikinagalit ito ng suspek at naisipang ibaling ang baril sa dalawang musmos na anak ang pinagbabaril niya ang mga ito.
Matapos mabaril ang mga bata, ipinutok naman ng lalaki ang baril sa sarili na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Naitakbo pa sa ospital ang mga batang biktima ngunit deklarado silang dead on arrival.
