Rodrigo Duterte nagpasalamat sa Iglesia Ni Cristo para sa 'National Rally for Peace'

1/15/25, 11:10 AM
Nagpasalamat si dating Pangulong Duterte nitong Martes sa Iglesia Ni Cristo at sa mga pinuno nito sa pag-organisa ng "National Rally for Peace" noong Lunes.
Sa isang video message, sinabi ni Duterte na kailangan ng bansa nang mga ganitong pagtitipon upang ipanawagan ang pagkakaisa.
Isinagawa ang "National Rally for Peace" sa Quirino Grandstand, Maynila nitong Lunes na tinatayang daluhan ng 1.5 milyong katao. Magkakahiwalay na rally din ang isinagawa sa iba't ibang syudad sa bansa.
"This is what our country needs in these critical times. Not impeachment. Not a waste of government resources. Not self-serving schemes. Not divisive action. We must unite. We must move forward as one," ani Duterte sa isang video message.
Nauna nang sinabi ng INC na sinusuportahan nito ang pagtutol ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa posibleng impeachment kay Vice President Sara Duterte, bagamat hindi raw ito pagpapakita ng kanilang political force.
Pinuri naman ni Duterte ang mga dumalo sa peace rally at sinabing ipinakita ng mga ito ang kanilang taos-pusong malasakit at pagmamahal sa bayan.
"Amid all the noise, let us be purposeful and ensure the meaningful future of our children and our children's children," anang dating pangulo.
"Let us demand what is due our people. Let there be strong and resolute leadership in our country. Let us all unite under our flag!" dagdag nito.
Bago natapos ang kanyang termino noong 2022, binisita ni Duterte ang pamunuan ng INC.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, muling nagkaroon ng pagpupulong si Duterte at Senador Bong Go kay INC Executive Minister Eduardo Manalo. #
