top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

PCUP nagbukas ng elderly care facilities para sa senior citizens ng Rizal, Batangas

11/4/24, 7:37 AM

Nagsagawa ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng turn-over ng mga donasyon sa dalawang elderly care facility bilang pagdiriwang ng Elderly Filipino Week noong Oktubre 3 at 4.

Nakatutok ang aktibidad sa mga nakatatanda sa Rizal at Batangas, partikular sa Haven for the Elderly – isang pangunahing residential care facility sa Tanay, Rizal, at Tahanan ng Mahal na Ina ng Guadalupe – isang home health care service para sa mga abandonadong nakatatandang babae sa Lipa, Batangas.

Nagbigay ang tanggapan ng mga damit, bitamina, gamot, first aid kits, face masks, at iba pang mga bagay mula sa mga nalikom na donasyon sa isang donation drive na isinagawa ng Komisyon.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na pagdiriwang ng Elderly Filipino Week, na may temang “Senior Citizens - Building the Nation, Inspiring Generations.” Ang temang ito ay kinikilala ang mahalagang papel ng mga nakatatanda sa paghubog ng kasaysayan ng bansa at nagbibigay inspirasyon sa mga susunod na henerasyon na ipagpatuloy ang pagbuo ng mas magandang kinabukasan na may malalim na paggalang sa mga kontribusyon ng mga nauna sa kanila.

Isinagawa ang aktibidad hindi lamang upang matugunan ang pisikal na pangangailangan ng mga nakatatanda kundi mabigyang-diin din ang kahalagahan ng suporta at pakikilahok ng komunidad.

“Isa sa mabigat na problema namin ay kapag may na-ospital dahil wala kaming sapat na pondo”, ani Sister Emelinda ng Tahanan ng Mahal na Ina ng Guadalupe.

“Bukas naman ang aming pasilidad sa mga donasyon at kung nais ninyong magsagawa ng okasyon tulad ng birthday, wedding anniversary, at iba pang okasyon na gustong kasama ang ating mga nakatatanda, dahil ang gusto namin ay kahit may bumisita lang sa kanila,” dagdag niya.

Suportado naman ni PCUP Chairperson at Chief Executive Officer, Hon. Meynardo A. Sabili, ang inisyatibong ito bilang pagpupugay sa mga nakatatanda at sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa lipunan.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page