Pampanga mayor dinakip sa PhP80-milyon kaso ng suhulan

8/6/25, 8:22 AM
Ni Raselle Joyce Flores
Dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang alkalde ng San Simon, Pampanga matapos na mahuli siyang tumatatanggap umano ng suhol mula sa may-ari ng isang pabrika ng bakal.
Sa isang entrapment operation na isinagawa ng NBI intelligence operatives, hinuli si Mayor Abundio Punsalan at isa sa kanyang kasabwat habang tinatanggap ang suhol sa isang restaurant sa Clark, Angeles, Pamapanga nitong Martes (Agosto 5).
Pati ang mga bodyguard ng alkalde ay dinakip na rin matapos na hindi makapaglabas ang mga ito ng papeles para sa mga baril at bala na dala nila.
Ang pagsakote kay Punsalan ay isinagawa matapos magsampa ng reklamo ang Realseel Corp. na kinikikilan umano ito ng PhP80 milyon upang maglabas umano ang lokal na pamahalaan ng resolusyon ukol sa ipinatatayong proyekto ng kumpanya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang punong lungsod at ang kanyang kasabwat.
Nadismaya si Pampanga Governor Lilia Pineda sa pangyayari ngunit pinayuhan nito si Punsalan na patunayan na wala siyang pagkakasala.
