top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Pamahalaang Marcos inakusahang manhid sa paghihirap ng sambayanan

4/1/25, 5:13 AM

Ni Tracy Cabrera

DILIMAN, Lungsod Quezon — Pabigat-nang-pabigat ang pasanin ng mga Pilipino sa kanilang pamumuhay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. dahil sa patuloy at hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gayun din sa mga serbisyo sa pang-araw-araw na panangailangan.

Ayon kay Amihan National Federation of Peasant Women secretary general Cathy Estavillo, napapanahon nang kumilos ang mga kababaihan upang harapin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo na tila walang humpay habang nanananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa at wala ding sapat na ayudang binibigay ang gobyerno.

"Dapat tumindig ang kababaihan at ang taongbayan laban sa walang habas na taas-presyo. Hindi na natin ito dapat palampasin, lalo na ang mga kababaihan ang pangunahing nagbabanat ng buto at nagba-budget para mapakain ang kani-kanilang pamilya. Ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng tubig, kuryente, pagkain, pasahe at iba pang pangunahing pangangailangan ay nagpapalubha sa ating kalagayan," nilahad ni Estavillo.

Sa datos, makikita umanong patuloy ang pagsirit ng presyo simula noong Enero, tulad ng pagtaas sa singil ng Manila Water at Maynila, na sinundan naman ng lingguhang mga oil price hike (OPH), subalit maliitan naman kapag nag-rollback ang mga kompanya ng langis.

Pagsapit naman ng Pebrero, aniya, nagtaas din ang presyo ng mga pagkain, gaya ng sardinas at iba pang mga delatang pagkain at gayun din ang mga condiment at iba pang pangunahing bilihin, na kung saan naitala na 77 produkto ang tumaas ng 5 hanggang 10 porsyento ang presyo.

Pagpasok ng Marso, muling bumigat umano ang pasanin ng mamamayan sa dagdag na singil sa NLEx toll fee, sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) na tumaas ng 26 sentimos kada kilowatt hour at ngayong Abril 1, ay magkakaroon pa ng big time OPH na aabot sa P1.20 kada litro ng gasolina ang itataas at bukas, Abril 2, ay ipapatupad naman ang Ligth Rail Transit-1 fare hike na P5 ang maidagdag sa bawat rota.
"Ang bawat pagtaas ng presyo ay dagdag na pasanin sa ating mga pamilya, lalo na sa mga ina at kababaihan na kailangang pagkasyahin ang kakarampot na kita para sa pagkain, kuryente, transportasyon at pagpapaaaral sa kanilang mga anak. Habang pinapasan natin ang mga pagtaas na ito, nananatiling walang silbi ang gobyerno upang pigilan ito,” ayon kay Estavillo.

Dahil dito, kailangan na aniyang kumilos ang mamamayan, lalo na ang mga kababaihan na madalas na unang naaapektuhan ng matinding krisis sa ekonomiya, lalo na’t tila nanonood lamang umano ang gobyerno sa paghihirap ng sambayanan.

“Habang walang tigil ang pagtaas ng presyo, walang ginagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) at Malakanyan kundi mag-abang at manood. Walang pakialam ang gobyernong Marcos Jr. sa paghihirap ng taumbayan. Hindi lang inflation ang lumalala kundi pati ang kapabayaan ng gobyerno,” konklusyon ni Estavillo.

Si Amihan National Federation of Peasant Women secretary general Cathy Estavillo. (Larawan mula sa Amihan)

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page