Nasaan ang tapang para ipaglalaban ang ating patrimonya?

3/11/25, 4:47 AM
Ni Tracy Cabrera
MAYPAJO, Lungsod Kalookan — Nagtataka ang maraming Pilipino kung bakit tila ba nag-iisa ang tinig na kanilang naririnig na kumokondena sa pag-angkin ng Tsina sa Palawan at maging sa arkipelago ng Sulu dahil sadyang salungat sa ating patrimonya at integrudad bilang malayang bansa.
Ayon sa ilang mga tsuper sa Maypajo at gayun din ang mga mangingisda sa Navotas, hindi nila ubos-maisip kung bakit ang mga magigiting nating mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan ay mas nais talakayin ang mga isyu tulad ng impeachment kay Bise Presidente 'Inday' Sara Duterte-Carpio habang may banta sa anti soberenya sanhi ng mga ginagawang pambu-bully ng mga puwersa ng China Coast Guard (CCG) at People's Liberation Army Navy (PLAN) at maging ang kanilang maritime militia sa ating mga mangingisda at gayun din ang ating militar.
Ramdam umano ng mga jeepney driver at mamalakaya na may mga mambabatas, partikular na sa Senado na tulad ng pinakita ni dating Pangulong Rodrigo 'Rody' Duterte ay mas pabor sa Tsina bilang kaalyado kaysa sa Estados Unidos na matagal nang kakampi ng Pilipinas, higit kaysa Beijing.
Tinuon ng isa sa mga tsuper na si Mang Caloy na mas mabuti pa umano ang first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas party-list na si Dr. Jose Antonio 'Ka Pep' Goitia, hindi pa nga napapapuwesto bilang kongresista ay panay na ang batikos sa mga Intsik na umaangkin sa mga teritoryong Matagal nang pag-aari ng Pilipinas.
"Ngayon naman inaangkin nila (mga Intsik) ang Palawan at Sulu dahil batay sa kanilang kasaysayan ay sa kanila ang mga ito. E paano naman ang ating kasaysayan na nagsasabing atin ang Palawan at Sulu?" tanong ng tsuper na sinang-ayunan ng mga kasamahan niyang mfa jeepney driver.
Kamakailan ay nag labas ng matapang na pahayag si Goitia na tinukoy ang pag-aangkin ng Tsina bilang “katawa-tawa” at isang “tahasang paglabag sa pandaigdigang batas.” Binigyang-diin niya rin na ito ay hindi lamang walang batayan kundi isa ring “pang-iinsulto sa kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa sariling kasaysayan at kultura.”
Bukod sa Ang Bumbero ng Pilipinas, kinatawan din ni Goitia, ang iba’t ibang makabayang organisasyon, kabilang ang People’s Alliance for Democracy and Reform (PADeR), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia Pilipinas (LIPI).
Iginiit niya na ang naturang pag-aangkin sa mga territory ng bansa ay direktang sumasalungat sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang kasunduang nilagdaan mismo ng Tsina.
“Ang pang-aapi na ating nararanasan mula sa isang bansang minsan nating itinuring na malapit na kaalyado sa kalakalan at pagpapalitang kultural ay hindi matatawaran,” ani Goitia, na ipinagdadalamhati ang pagkawala ng daan-daang taong relasyon batay sa respeto at tiwala.
Sa huli, mariing kinondena ni Goitia ang mga aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea, partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng militar.
“Kahiya-hiya kayo sa pagtataksil sa kabutihang-loob ng inyong mga ninuno, na itinuring ang mga Pilipino bilang malalapit na kaibigan simula pa noong nagsimula ang ating kalakalan daan-daang taon na ang nakalipas,” kanyang konklusyon.
